MANILA,Philippines — Nilagdaan na kahapon ang implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act 11313 o Safe Spaces Act na kilala rin sa tawag na “Bawal Bastos” Law.
Ipinagbabawal sa nasabing batas ang panunutsot, pagsipol, sexist, sexual advances at lahat ng uri ng pambabastos sa mga pampublikong lugar, trabaho, eskuwelahan at maging sa online o internet.
Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, na dumalo sa signing ceremony sa Ortigas, maituturing na “game changer” ang nasabing batas laban sa lahat ng uri ng harassment.
“Isa itong makasaysayang araw! Sa wakas, may IRR na ang Bawal Bastos Law! Bilang na ang mga araw ng mga ‘Boy Bastos’ at lahat ng sino man na gagawa ng gender-based public harassment,” ani Hontiveros.
Idinagdag ni Hontiveros na mas magiging ligtas ang mga lansangan para sa mga kababaihan na kalimitang nagiging biktima ng mga bastos.