PNP full alert sa Undas
MANILA,Philippines — Nasa full alert na ngayon ang Philippine National Police bilang bahagi ng paghahanda sa seguridad sa darating na All Saint’s Day.
Sinabi ni PNP Spokesman Brig. Gen. Bernard Banac na itinaas ng 191,000-strong PNP ang alert status nito bandang alas-12:01 ng hatinggabi. Nangangahulugan na lahat ng tauhan ng pulisya ay dapat na laging nakahanda para sa deployment.
Layunin ng security alert sa buong bansa na bigyan ng seguridad ang publiko na bibisita sa mga namayapa nilang mahal sa buhay sa mga sementeryo at samantalahin ang mahabang weekend.
May kabuuang 35,618 pulis ang ipinakalat para magbigay ng seguridad sa panahon ng Undas.
Sinusuportahan sila ng 99,716 multiplier na kinabibilangan ng mga medical, fire at rescue volunteer at barangay officials.
“Nakalatag na ang buong puwersa ng PNP na may kabuuang 35,000 sa buong bansa,” saad ni Banac sa isang radio interview.
Babantayan ng pulisya ang mga seaport, airport, bus terminal at iba pang lugar na pinagtitipunan ng maraming biyahero para matiyak ang kaligtasan ng mga ito.
Sinabi ni Banac na malamang manatili ang full alert status hanggang Linggo, Nobyembre 3 na araw na inaasahan na babalik na ang mga tao sa kalakhang Maynila.
Samantala, epektibo rin kahapon ay isinailalim na ni National Capital Region Police Office director Police Brig. Gen. Debold Sinas ang Metro Manila sa heightened alert status.
Mayroong 3,640 mga pulis mula sa limang distrito ng Metropolis ang magpapatrulya sa 118 sementeryo sa Metro Manila.
Pinapayagan naman ng opisyal na mag-leave of absence ang mga pulis para may panahon din silang bumisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay hanggang mayroong 75% ng puwersa ng kapulisan ang naka-duty.
Iginiit naman ni Sinas na walang namomonitor ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ng anumang mga banta mula sa anumang grupo sa paggunita ng Undas.
- Latest