MANILA, Philippines — Dati na umanong nakakatanggap ng death threats mula sa isang organized crime groups si Clarin, Misamis Occidental Mayor David Navarro bago ito pinatay ng mga ‘di kilalang salarin nitong Biyernes sa Cebu City.
Matatandaang si Navarro na kasama sa narco-list ni Pangulong Duterte, ay sakay ng isang police mobile nang tambangan ng armadong mga salarin at pagbabarilin.
Nangyari ang insidente habang patungo sa Cebu City Prosecutor’s Office ang alkalde para sa kanyang inquest proceedings sa kasong physical injury at acts of lasciviousness matapos umanong mambugbog ng lalaking masahista at hingan ng sexual favors ang isang babaeng masahista.
Ayon kay Cebu City Police chief, P/Col. Gemma Vinluan, hindi batid ng Cebu City government at maging ng mga pulis ang pagbisita ng alkalde sa kanilang lugar dahil kung nabatid aniya nila na naroroon ang biktima ay nabigyan sana nila ito ng kaukulang security.
Gayunman, batay aniya sa nakalap nilang impormasyon, mga economic leaders ng Misamis na nagkaroon ng meeting sa Raja Hotel ang kausap ng alkalde.
Humihingi na ang pulisya ng kopya ng CCTV footage mula sa hotel kung saan nanuluyan ang alkalde nang dumating ito ng Cebu City noong Martes.
Bumuo na rin umano sila ng special investigation task force na mag-iimbestiga sa kaso at tiniyak na lahat ng anggulo sa kaso ay tututukan nila, kabilang na rito ang pulitika, negosyo, at maging ang pagkakasangkot ng biktima sa ilegal na droga.
Ayon sa police chief, batay sa nakalap nilang impormasyon, si Navarro ay pang-walo sa drug watchlist ng Misamis Occidental.