MANILA, Philippines — Iginiit kahapon ng Malacañang na hindi na kailangang maglabas ng medical bulletin para sa kalagayan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ang paglalabas ng medical bulletin ay kung mayroon lang seryosong karamdaman ang Pangulo.
“That is the constitutional requirement,” sabi ni Panelo.
Idinagdag pa ni Panelo na wala namang inililihim ang 74-anyos na Pangulo pagdating sa kaniyang kalusugan.
Wika ni Panelo, nasa Davao City na ang Pangulo at nagpapahinga tulad ng payo ng doktor.
Nitong nakaraang linggo, bumagsak mula sa motorsiklo si Duterte sa Presidential Security Group compound sa Malacañang Complex na dahilan ng pagkakatukod ng kaniyang siko at pananakit umano ng balakang.
Nito namang nakaraang linggo, napabalik nang maaga sa bansa mula sa Japan si Duterte dahil umano sa naramdamang matinding pananakit ng likod.
Pero nang magpasuri umano sa duktor nitong Miyerkules, muscular spasm lang daw ang dahilan ng pananakit at kailangan lang magpahinga.
Siniguro rin ni Panelo na dadalo sa ASEAN Summit sa 1st week ng November ang Pangulo sa Bangkok, Thailand.