MANILA, Philippines — Hindi pa tatanggalin mula sa merkado ang de-tatak na karneng nakitaan ng nakamamatay na African swine fever kamakailan, pagkukumpirma ng Department of Agriculture.
Ayon kay Agriculture Undersecretary Ariel Cayanan, maaaring nagkahawaan lang ang mga nasabat na branded at unbranded homemade pork products sa Calapan Port sa Mindoro.
"Dahil [i]nilagay sila sa isa o dalawang container magkahalo-halo, I think it will be prudent and unfair kung magpapangalan tayo ng isang bagay na nagkaroon ng cross-contamination," ayon kay Cayanan sa ulat ng CNN Philippines.
Una nang kinumpirma ng Bureau of Animal Industry sa isang clinical laboratory report na pinetsahang ika-15 ng Oktubre na nakitaan nila ng African swine fever viral DNA ang ilang produkto ng hotdog, longganisa at tocino gamit ang real time polymerase chain reaction test.
Sa kabila nito, wala silang pinangalanang tatak ng kumpanyang nagproproseso ng karne.
Dadaan daw muna sa karagdagang pagsusuri ang mga karne upang matiyak kung saan talaga nanggaling ang sakit.
"Ibig sabihin, baka ang homemade ay biktima o carrier siya... Magtest pa po tayo," ani Cayanan.
Sa ngayon, hindi pa raw imumungkahi ng DA sa Food and Drug Administration na i-recall ang mga nabanggit na produkto.
Bagama't hindi nakaaapekto ang African swine fever sa kalusugan ng tao, lubhang nakamamatay ito sa mga baboy na maaaring ikapinsala ng bilyong pisong industriya.
Mekeni dumepensa sa paratang
Samantala, ipinagtanggol naman ng Mekeni Food Corp. mula sa paratang na produkto nila ang nakitaan ng African swine fever.
'Yan ay matapos tukuyin ng ilang "industry sources" ang Mekeni na nagpositibo ang kanilang mga karne, sabi ng The STAR noong Huwebes.
"Kumukunsulta na kami sa aming legal team. Maaaring tainted na itinanim ang ebidensya, hindi natin alam," sabi ni Mekeni president at CEO Prudencio Garcia sa Inggles.
Una nang sinabi ng DA na irerekomenda nila sa FDA ang pagre-recall ng Pampanga-based manufacturer ngunit binawi rin ito.
"FDA ang may otoridad na magparusa sa manufacturer. Umaasa kami na gagawin ito ng National Meat Inspection Service sa ngalan ng pagproprotekta, pag-aasikaso at pagkokontrol ng ASF episode," sabi ni DA spokesperson Noel Reyes noong Huwebes.
Sabi ni Reyes, natanggap nila noong nakaraang linggo mula sa NMIS, BAI at lokal na gobyerno ng Mindoro na nakumpiska nila ang ilang "hand carried" processed meat products na nagpositibo sa nasabing sakit.
Sa hiwalay na pulong ng BAI, sinabi ng Philippine Association of Meat Processors Inc. na dalawang set ng confiscation ang nangyari.
"Pwedeng nanggaling sa co-mingling ang kontaminasyon. Hindi 'yon bulk shipment at kakain lang sana sa bahay," ani PAMPI spokesperson Rex Agarrado.
Hindi miyembro ng PAMPI ang Mekeni.
Matatandaang hiniling kahapon ng grupo na isapubliko na ng gobyerno ang tatak na nagpositibo sa African swine fever dahil maaaring maapektuhan ng insidente ang kanilang kabuhayan.
"Kailangan nating pagplanuhan kung paano aasikasuhin ang development na ito, dahil kung hindi, apektado ang customer confidence," paliwanag ni Agarrado. — may mga ulat mula kay The STAR/Maureen Simeon