Expressways handa na sa Undas
MANILA,Philippines — Handa na ang North Luzon Expressway at Subic-Clark-Tarlac Expressway para sa inaasahang bugso ng mga sasakyan na lalabas at papasok ng Metro Manila sa panahon ng paggunita ng Undas sa November 1 at 2.
Sa inilunsad na Safe Trip Mo Sagot Ko (SMSK) program kahapon, sinabi ni Atty. Romulo Quimbo, Senior VP Communication and Stakeholder Management ng NLEX Corporation na, aabot sa 200,000 sasakyan kada araw ang daraan sa Manila–Cavite Expressway mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 2, na itinuturing na “peak season” para sa Undas.
Sa kada araw ng nasabing panahon, inaasahang papalo sa 280,000 ang bilang ng mga gagamit ng NLEX habang inaasahang aabot sa 350,000 ang gagamit ng SCTEX.
Imo-monitor naman ng Metro Pacific Tollways Corp. ang pagdagsa ng mga motorista sa Balintawak, Mindanao Avenue, Bocaue, Sta. Ines, Tarlac, at Tipo Toll Plaza kung saan namumuo ang trapiko.
Itinigil na rin ang mga konstruksyon sa NLEX, SCTEX, at Cavitex hanggang makabalik ang mga motorista mula sa bakasyon.
Sinabi naman ni Luigi Bautista, presidente ng NLEX Corp. na bago pa man sumapit ang October 31 ay handa na ang lahat ng kanilang mga tauhan sa mga exit at entry points upang umalalay sa mga motorista na uuwi sa mga probinsiya sa Undas para bisitahin ang mga namayapang mga mahal sa buhay.
Tiniyak naman ng Toll Regulatory Board na walang magaganap na toll fee increase sa Undas hanggang matapos ang taon.
- Latest