Pekeng LPG tank kalat pa rin
MANILA,Philippines — Nagpapatuloy pa rin umano ang bentahan ng mga pekeng liquified petroleum gas (LPG) sa merkado kahit may standards enforcement campaign at market monitoring ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Dahil dito kaya pinapayuhan ng DTI ang publiko na bumili lang ng LPG tank na nagtataglay ng PS at ICC markings upang hindi malagay sa panganib ang buhay ng mga mamimili.
Una nang lumiham ang WQSY Marketing sa DTI-Bureau of Philippine Standards (BPS) at Import Commodity Clearance (ICC), na nagkalat pa rin ang mga LPG tank na ’Speed Gaz at Bess Gaz na walang PS at ICC marks.
Inireklamo ng WQSY Marketing ang paglaganap ng mura, ‘di sertipikado at substandard na LPG tank “Speed Gaz at Bess Gaz” na may timbang na 2.7kg at 11kg na wala umanong PS mark, ICC at ilang mandatory markings na ibinibigay ng DTI–BPS.
Subalit hindi umano mapigilan ng kinauukulang ahensiya ang nagkalat na pekeng LPG tank na lubhang delikado at may nakaambang panganib sa publiko.
Isa ang WQSY Marketing sa mga lehitimong manufacturers na may libu-libong manggagawa na umaasa sa industriya ng tunay na LPG tank at nakapagpapalago ng ating ekonomiya.
Binigyan din ng kopya ng liham ang Malacañang at Department of Energy.
Hinimok din ang publiko na ipaabot sa Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) ang mga bodega na pinaglalagakan ng mga pekeng LPG tank upang magawan ng kaukulang hakbang at masampahan ng kasong kriminal.
- Latest