SWS: Total hunger rate 'pinakamababa sa loob ng 15 taon'

Sa kabila ng bumabang numero ng kabuuang kagutuman, tumaas naman ang bilang ng nakaranas ng "severe hunger," mula 1.3% (320,000 pamilya) noong Hunyo patunong 1.7% (426,000 pamilya) noong Setyembre.
The STAR/KJ Rosales, File

MANILA, Philippines — Bahagyang nabawasan ang bilang ng mga Pilipinong nakaranas ng gutom, labag sa kanilang kagustuhan, sa ikatlong kwarto ng 2019, ayon sa updated survey na inilabas ng Social Weather Stations ngayong Huwebes.

Isinagawa ang pag-aaral noong ika-27 hanggang ika-30 ng Setyembre.

Sabi ng SWS, 9.1% o tinatayang 2.3 milyong pamilya ang nakaranas ng "involuntary hunger" sa nakalipas na tatlong buwan.

Ang involuntary hunger ay tumutukoy sa gutom na nararanasan dahil sa kawalan ng makakain.

"Nagbunsod ang pinakahuling decrease sa pinakamababang total hunger rate sa loob ng 15 taon," sabi ng SWS sa Inggles. 

Nakuha ang tantos na 'yan nang pagsamahin ang 7.4% (1.8 milyong pamilya) na nakaranas ng "moderate hunger" at 1.7% (426,000) na nakaranas ng "severe hunger."

Mas kaonti 'yan kumpara sa naitalang 10%, o 2.5 milyong pamilyang Pilipino, noong Hunyo 2019.

Ang bahagyang pagkagutom ay yaong mga nakaranas ng hunger nang "minsanan" o "mga ilang beses" sa loob ng nakalipas na tatlong buwan.

Ang labis na pagkagutom naman ay tumutukoy sa mga mga nagsabing "madalas" o "palagi" silang gutom.

Ayon sa SWS, naabot ang napakababang total hunger rate dahil sa 15-year low din ang moderate hunger.

"Marso 2004 pa noong huling mas mababa sa 9.1% ang total hunger noong bumulusok ito sa 7.4%," dagdag nila.

Severe hunger tumaas

Sa kabila ng bumabang numero ng kabuuang kagutuman, tumaas naman ang bilang ng nakaranas ng "severe hunger," mula 1.3% (320,000 pamilya) noong Hunyo patunong 1.7% (426,000 pamilya) noong Setyembre.

Bumaba rin ang bilang ng nagugutom sa hanay ng mahihirap, mula 16.2% pababa ng 14%, ngunit tumaas naman sa mga taong nagsasabing sila'y "non-poor."

Sa mga self-rated non-poor families, tumaas ang bilang ng mga nagugutom mula 4.9% (664,000 pamilya) noong Hunyo patungong 5.6% (805,000 pamilya) noong Setyembre.

Sa kabila nito, laging mas mataas ang kabuuang bilang ng nagugutom sa mga "poor" at "food poor" kumpara sa mga "non-poor" at "non-food poor."

Bagama't bumaba ang bilang ng nagugutom sa National Capital Region at Balance Luzon, lumalabas naman na hindi ito nagbabago sa Visayas at Mindano.

Harapang panayam ang ginamit sa pag-aaral at inilapat sa 1,800 katao edad 18-anyos pataas.

Kumuha ang SWS ng sample size na 600 mula sa Balance Luzon at Mindanao habang 300 naman mula sa Metro Manila at Visayas.

'Hindi dama ng mangingisda, magsasaka'

Samantala, hindi naman mawari ng ilang sektor kung bakit bumaba ang bilang ng nagugutom sa survey.

Sa pananaw ng Pamalakaya, isang grupo ng mga militanteng mangingisda, walang katotohanan ang pag-aaral kung ilalapat sa kondisyon ng mga umaani ng isda. Ngayon daw kasi, tila sistematiko na ang gutom dulot ng pagbagsak ng kanilang produksyon.

"Isang halimbawa ang sunud-sunod na fish kill sa mga pook-pangisdaan kamakailan: Manila Bay, Cebu, Pangasinan, kung saan mababa o minsan ay walang huli ang mga maliliit na magdaragat," ani Fernando Hicap, kanilang pambansang tagapangulo.

Maliban diyan, nalilimitahan na rin daw ang kanilang pook-pangisdaan bunsod ng "pangangamkam" ng Tsina sa teritoryo ng West Philippine Sea, lugar na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Lumiliit din daw ang bilang ng kanilang huli bunsod ng mapaminsalang reklamasyon ng naturang bansa sa mga karatagan ng Pilipinas.

"Kung totoo man ang bagong labas na datos ng SWS, tiyak na hindi kasama ang komunidad ng mga mangingisda at magsasaka sa pinaglunsaran ng survey," panapos ni Hicap.

Show comments