MANILA,Philippines — Maaaring bawiin ng gobyerno ang lisensiya ng mga kasapi ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI) kung itutuloy ang banta ng presidente nito na hindi na ire-renew ang kanilang accreditation sa PhilHealth.
Inirereklamo ng PHAPI ang hindi pagre-reimburse ng state health insurer.
Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, ang banta ng mga pribadong ospital ay maituturing na pag-atake sa karapatan ng mga mamamayan sa universal health care lalo pa’t kalalagda pa lamang ng implementing rules and regulations ng UHC Law.
Kung itutuloy aniya ng mga pribadong ospital ang kanilang plano, mawawalan ng access sa hospital care at treatment ang milyon-milyong kasapi ng PhilHealth.
Ipinunto rin ni Hontiveros ang kaliwa’t kanang epidemics at lubhang nakakatakot ang banta ng PHAPI na maituturing na criminal act.
Sabi ni Hontiveros, naiintindihan niya ang hinaing ng mga pribadong ospital pero dapat ibalanse ang karapatan na gumawa ng negosyo at ang pagbibigay ng health care services. Mali rin aniya na pagbantaan na hindi mabibigyan ng health care ang publiko at hindi ito dapat pinapayagan.