1-taong PMA recruitment ban itinulak kasunod ng 27 bagong kaso ng hazing

"[D]ahil hindi pa natututo ang Philippine Military Academy tungkol sa kasuklaman ng hazing, pansamantalang dapat itigil ng academy ang pagkuha ng mga bagong kadete hanggang masiguro ng Armed Forces of the Philippines sa lahat ng mga magulang at nais pumasok na ligtas doon," sabi niya sa Inggles.
File

MANILA, Philippines — Nais munang ipatigil ng isang mambabatas ang pagrerekluta ng mga bagong kadete ng Philippine Military Academy bunsod ng hindi matigil-tigil na mga kaso ng hazing at pagpapahirap sa loob ng top military school ng bansa.

Ito'y matapos kumpirmahin ng Armed Forces of the Philippines na sinisilip nila ngayon ang 27 kaso ng diumano'y pagmamaltrato na nangyari sa eskwelahan matapos mamatay ng freshman cadet na si Darwin Dormitorio.

Nadokumento raw ang mga ito sa pagitan ng ika-16 hanggang ika-27 ng Setyembre.

"Klarong-klaro, mas maliwanag pa sa sikat ng araw na may malaking mali at problema sa loob ng PMA na dapat itama agad ngayon. Huwag ipagpaliban. Gawin ngayon," ani Ako Bicol Rrep. Alfredo Garbin Jr.

Sabi ni Garbin, na isa sa mga may akda ng Anti-Hazing Law of 2018, hindi matitiyak ng PMA sa mga magulang na ligtas ang kani-kanilang mga anak sa eskwela sa ngayon.

Ang mga karagdagang kaso raw ay patunay na merong "sistematiko, malala at kapintasan sa moralidad sa PMA."

"[D]ahil hindi pa natututo ang PMA tungkol sa kasuklaman ng hazing, pansamantalang dapat itigil ng academy ang pagkuha ng mga bagong kadete hanggang masiguro ng AFP sa lahat ng mga magulang at nais pumasok na ligtas doon," sabi niya sa Inggles.

"Suspendihin ang recruitment ng mga bagong kadete sa loob ng isang taon."

Mungkahi niya, dapat pangunahan ng judge advocate general ng AFP ang paglilinis sa loob ng institusyon.

Dapat din daw na mabantayan ng mga sibilyan ang "PMA cleansing" at gagawin daw ng Kamara ang bahagi nila para sa mga kaanak, pamilya at kaibigan ng mga estudyante.

Sa panahong ito, mainam daw na iwaksi ng paaralan ang maling ideya na kailangan ang hazing para hubugin ang mga tagapagtanggol ng mga Pilipino't Saligang Batas.

PMA: Reporma ipatutupad namin

Samantala, ipinangako naman ng pamunuan ng PMA na gagawin nila ang lahat ng paraan upang mabago ang dapat mabago at hindi magpapatalo sa gitna ng mga kontrobersiya.

"Ang pagsuko at kawalang-pag-asa ay mga aksyong hindi maaaaring gawin ng PMA ngayon," sabi ni Cheryl Tindog, na bagong talagang tagapagsalita ng PMA.

Bagama't hindi raw magiging mabilis ang proseso, sinabi ni Tindog na: "Kumakayod kami [PMA] ngayon nang husto upang maipatupad ang mga kinakailangang reporma para matapos ang mga pagmamaltrato at matapos ang hazing."

Sa kabila ng kinakaharap ng paaralan, nagpasalamat naman siya sa lahat ng Pilipino na tumutulong ngayon sa kanila.

Una nang sinabi ni Brig. Gen. Romeo Brawner Jr., commandant of cadets ng institusyon, na maglulunsad sila ng gera kontra-hazing matapos mamatay ni Dormitorio.

Pagbabago sa institusyon?

Samantala, iginiit naman ng National Union of Students of the Philippines na "bulok" na raw ang institusyon kung kaya't mahihirapan daw ito nang husto upang iwaksi ang mga maling gawain.

"Pinatutunayan ng mga balita at mga videong lumulutang na ang hazing sa mga plebong gaya ni Darwin Dormitorio ay hindi isolated," sabi ng NUSP sa isang pahayag.

Sa kanilang pananaw, ito na raw talaga ang kinagisnang karahasan ng mga kabataang kadete sa kamay ng mga "pasistang" pwersa sa napakatagal nang panahon.

"Sa pagtataguyod ni Duterte ng kawalang-pananagutan pabor sa mga nasa kapangyarihan, lip service lang na maituturing ang Anti-Hazing law," patuloy ng militanteng grupo ng mga konseho ng mag-aaral.

Sa parehong kadahilanan, muli silang nanindigan na hindi haharangan ang panunumbalik ng mga diumano'y abusadong pwersa" kalakip ng panukalang buhayin muli ang mandatory Reserve Officers' Training Corps.

Noong 2008, lumalabas na 75% ng kabuuang AFP officer corps ang graduate ng ROTC officer candidate schools. — may mga ulat mula kay The STAR/Artemio Dumlao 

Show comments