Persons With Disability IDs iniisyu sa mga walang kapansanan
MANILA,Philippines — Pinaiimbestigahan sa Kamara ni ACT-CIS Rep. Eric Go Yap ang talamak na pag-iisyu ng Persons With Disability (PWD) identification card (ID) ng mga Local Government Units (LGUs) sa mga taong walang kapansanan.
Nadiskubre ni Yap na talamak ang iniisyung PWD ID sa kahit mga walang kapansanan matapos na makasabay niya ang isang pamilya ng mayayaman sa isang restaurant sa Binondo, Maynila at habang nagbabayad ng bill ay naglabas sila ng mga PWD IDs.
Paliwanag ng kongresista, kung titingnan ay walang mga kapansanan ang mga ito, kaya nagduda si Yap na maaring napepeke ang PWD ID.
Dahil dito kaya nagsagawa umano ng eksperimento si Yap at inutusan ang may 15 normal na mga katao na walang kapansanan para kumuha ng PWD ID buhat sa ibat ibang siyudad sa Metro Manila at nabigyan sila nito ng walang kahirap hirap matapos na magbayad ng tig P3,000.
Ang mga PWD card ay nagamit umano nang hindi man lamang inaalam ng mga establisimyento kung totoo o peke ang mga ito.
Bunsod nito kaya hinikayat ng mambabatas ang mga alkalde ng Metro Manila na tingnan ang proseso ng pagbibigay ng PWD ID upang mabatid kung ito ay naabuso at napepeke.
Hinikayat din ni Yap ang mga may hawak ng ID nito na wala namang kapansanan na isurender na ito bago pa sila makasuhan.
Bilyon-bilyong piso na ang nawawalang buwis sa gobyerno dahil sa bentahan ng PWD ID.
- Latest