Japan trip ni Duterte mapapaiksi, iniinda ang 'sakit sa pagbagsak sa motor'
MANILA, Philippines — Hindi na magtatagal ang Pangulong Rodrigo Duterte sa Japan matapos ang patuloy na pananakit ng katawan dulot ng kanyang pagbagsak sa motorsiklo, pagkukumpirma ni presidential spokesperson Salvador Panelo.
Ika-15 ng Oktubre nang bumagsak sa bagong biling motorsiklo si Digong habang nasa compound ng Presidential Security Group.
"Inaanunsyo ng Palasyo na puputulin ng presidente ang trip niya sa Japan dahil sa sobrang sakit ng spinal column malapit sa pelvic bone dahil sa pagbagsak niya sa motorsiklo noong Huwebes," ani Panelo sa Inggles.
Matatandaang tumulak sa Japan si Duterte upang dumalo sa coronation ng bagong emperor ng bansa, maliban sa dalawang banquet.
Ito na ang ikaapat na pagbisita niya sa "Land of the Rising Sun."
"Babalik siya ng bansa ngayong gabi, at kukunsulta sa kanyang neurologist bukas, ika-23 ng Oktubre," dagdag ng tagapagsalita ng pangulo.
Dahil dito, hindi makakadalo sa Emperor's banquet si Digong sa Imperial Palace at si Davao Mayor Sara Duterte-Carpio ang hahalili sa kanya.
Sa kabila nito, nakapunta naman daw siya sa enthronement rites ni Japanese Emperor Naruhito ngayong araw, "kahit na gumagamit siya ng baston para matulungan siyang maglakad."
Si Naruhito ay naitalaga sa posisyon noong Mayo ngunit ngayon lang nakoronahan.
"Bagama't hindi ito inaasahan, wala namang kailangang ikabahala sa pisikal na kalusugan at kondisyon ng presidente dahil prayoridad niya ito upang mapaglingkuran ang bansa," sabi pa ni Panelo. — may mga ulat mula kay The STAR/Christina Mendez
- Latest