5,000 trabaho naghihintay para sa mga Pinoy sa Europa

Kasama sa mga ibubukas na trabaho para sa mga Pilipino ay para sa mga health care worker, nurse, engineer, truck driver, heavy machine at equipment operator at mga household service worker.
The STAR/Edd Gumban, File

MANILA, Philippines — Panibagong opurtunidad ang naghihintay para sa libu-libong Pilipinong nais magtrabaho sa southern central Europe, ulat ng Department of Labor and Employment nitong Lunes.

Ayon kay DOLE Secretary Silvesttre Bello III, humiling ang bansang Slovenia sa Pilipinas para makapagpadala ng 2,000 hanggang 5,000 skilled at semi-skilled na manggagawa upang mapatibay ang kanilang workforce.

Pero may mga kailangan daw munang tiyakin bago ito maisapinal.

"Sinabi ko na kailangan muna nating pumirma ng isang bilateral agreement," sabi ni Bello tungkol sa pahintulot na hinihingi ng banyagang bayan.

Kasama sa mga ibubukas na trabaho para sa mga Pilipino ay para sa mga health care worker, nurse, engineer, truck driver, heavy machine at equipment operator at mga household service worker.

Mas mataas ang sahod

Kung ikukumpara raw ang sweldo sa mga nakukuha sa Gitnang Silangan, mas mataas daw ang maaaring makuha ng mga overseas Filipino Worker sa Slovenia.

Patuloy ng DOLE, ang mga kwalipikadong manggagawa ay pwedeng makatanggap ng minimum na pasahod na $1,000.

"Ang suweldo ay tiyak na mas mataas kumpara sa Middle East. Sa Saudi Arabia aabot lamang ng $400. Sa Slovenia, maaari itong umabot ng nasa P50,000 hanggang P75,000 o mga $1,000 sa oras na magkaroon na tayo ng bilateral agreement at mapagkasunduan ang mga probisyon at template contract," sabi ni Bello.

Bubuo na rin daw ng technical working group ang departamento para tiykain ilang probisyon sa kasunduan nang hindi maapi ang mga OFW.

Maaaring abutin raw ng tatlong buwan para magawa ang bilateral agreement.

Para sa mga nais magsumite ng aplikasyon, kasama ang kasanayan sa wikang Inggles sa mga kwalipikasyong hihingiin.

"Sa ngayon, wala pa tayong mga job order para sa Slovenia dahil dadaan pa ito sa proseso. Inaabisuhan namin ang publiko na hintayin ang pormal na anunsyo na magsisimula na ang pagtanggap ng aplikasyon," sabi ng Labor chief.

Pinayuhan din niya ang lahat na magtungo muna sa DOLE o Philippine Overseas Employment Administration para matiyak na lehitimo ang malalapitang recruitment agency at job order na inaalok. — James Relativo

Show comments