MANILA,Philippines — Nakatakdang dalhin bukas (Miyerkules) ang mga labi ni dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel Jr. sa Senado kung saan paparangalan siya at aalalahanin ng mga nakasamang senador ang mga nagawa niya noong nabubuhay pa siya.
Pumanaw si Pimentel sa edad na 85 taong gulang dahil sa sakit na lymphoma, isang uri ng cancer.
Simula kamakalawa ay naka half-mast ang bandila sa harap ng gusali ng Senado bilang simbulo ng pagluluksa.
Pangungunahan ang necrological service ni Senate President Vicente Sotto III kung saan dadalo ang mga kasalukuyan at dating senador.
Nakikidalamhati rin ang mga miyembro ng Kamara sa pagpanaw ni Pimentel.
Ginunita ni House Speaker Alan Peter Cayetano si Pimentel bilang masigasig na nagtulak sa federalism at malaki ang naiambag sa bansa sa pamamagitan ng matagal at tapat na pagseserbisyo.
Ayon naman kay Bagong Henerasyon partylist Rel. Bernadette Herrera, si Pimentel din ang nasa likod ng partylist system dahil sa kanyang naisin na marinig ang mas maraming boses ng mga Pilipino.