De-motorsiklong 'rescue-in-tandem' sa lahat ng ospital ipinanukala

Ayon kay Sen. Bong Revilla, madalas na mabagal ang emergency response sa mga pasyente dahil naiipit ang mga ambulansya sa mabigat na daloy ng trapiko.

MANILA, Philippines — Upang mapabilis ang pagtugon sa mga nangangailangan ng serbisyong medikal, iminumungkahi ngayon ng isang senador na maglaan ng mga de-motorsiklong kawani ang mga pampubliko at pribadong ospital.

Ayon kay Sen. Bong Revilla, madalas na mabagal ang emergency response sa mga pasyente dahil naiipit ang mga ambulansya sa mabigat na daloy ng trapiko.

"Kada segundo, mahalaga sa pagliligtas ng buhay. Kaya dapat nating maabot yung mga kababayan natin na nasa malalayong lugar na di maabot ng mga eksperto, lalo na yung mga kailangan ng agarang pagtugon sa mga aksidente sa kalsada," sabi ng actor-turned-politician.

Tatawaging "rescue-in-tandem" ang mga ito kung tuluyang maisasabatas ang Senate Bill 1120, bagay na inihain ngayong Lunes.

Aniya, maraming dumaranas ng mga seryosong sakit at injuries sa malalayong lugar na hindi kayang abutin ng mga medical personnel.

Dagdag ni Revilla, ilang oras ang kailangang bunuin ng ilang health workers para lang makapagserbisyo sa mga malalayong lugar.

Naniniwala ang senador na mababawasan nang husto ang response time at mapahuhusay ang pangangalaga sa mga pasyente kung magagamit ng mga maglalapat ng lunas ang motorsiklo, lalo na't madaling makalulusot ang mga motorsiklo sa trapiko.

Hindi naman idinetalye sa pahayag kung sa motorsiklo mismo isasakay ang mga pasyenteng pupuntahan.

Pero ang tanong, makarating naman kaya nang ligtas ang mga first-responders sa mga pasyente?

Ngayong buwan, matandaang sinabi ng Land Transportation Office na pagkabangga dulot ng motorsiklo ang ika-9 na pinakatalamak na sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino.

Sa ulat na inilabas ni LTO chief Edgar Galvante sa ways and means committee ng Kamara, ibinahagi niyang wala ang motorcycle crashes sa top 10 leading cases of death sa bansa sa nakalipas na mga taon.

Narito ang 10 pinakatalamak na sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino noong 2016 ayon sa Philippine Statistic Authority, kung saan wala ang mga motorsiklo:

  • Ischemia-related heart problems
  • cancer
  • pneumonia
  • cerebrovascular diseases
  • hypertension
  • diabetes
  • iba pang sakit sa puso
  • respiratory tuberculosis
  • chronic lower respiratory infections
  • mga sakit kaugnay ng genitourinary system

Show comments