'Kill jokes? Baka ginagaya nila si Duterte' — Panelo sa UPV cheer team

Naging viral kasi sa social media ang winning performance ng Skimmers sa isang taunang patimpalak, kung saan nagbiro silang papatayin ang presidente: "Let’s kill this president... charot," sabi nila.
Screengrab, YouTube/Ruperto Quitag

MANILA, Philippines — Ipinagkibit-balikat lang ni presidential spokesperson Salvador Panelo ang video ng isang cheer team mula sa University of the Philippine Visayas matapos nitong batikusin si Pangulong Rodrigo Duterte at magsalita laban sa iba't ibang isyung panlipunan.

Naging viral kasi sa social media ang winning performance ng Skimmers sa isang taunang patimpalak, kung saan nagbiro silang papatayin ang presidente: "Let’s kill this president... charot," sabi nila.

 

 

Ayon kay Panelo, malaya naman daw magsalita at bumatikos ang sinuman sa bansang ito kung kaya't wala namang kaso.

"Eh, joke naman pala eh. Eh si presidente rin, nagsabi siya ng kill? Baka ginagaya lang nila si presidente," sabi ng tagapagsalita ng pangulo.

Kilala si Duterte sa pagbabanta sa buhay ng kung sinu-sino sa mga talumpati, madalas patungkol sa mga sangkot sa droga, kritiko o Kaliwa.

Noong Huwebes, matatandaang sinabi ni Duterte kay Police Lt. Col. Jovie Espenido na malaya siyang "patayin ang lahat" sa Bacolod dahil sa problema raw sa droga.

Taong 2016 naman nang sabihin ni Duterte na "papatayin" niya ang mga miyembro ng militanteng Kilusang Mayo Uno habang nangangampanya para sa presidential elections — bagay na "taken out of context" lang daw ani Digong.

Maliban sa kontrobersyal na "kill" joke kay Duterte, ilan pa sa mga tinalakay ng Skimmers sa kanilang performance ay ang isyu sa hazing, red tagging, pagbaba ng pondo sa kalusugan at edukasyon at pagiging sunud-sunuran diumano ng presidente sa Tsina.

"Pero tulad ng sabi niyo, halatang nagbibiro lang sila. Malayang bansa ito. Pwede silang magbiro at bumatikos," paniguro ni Panelo.

'Harassment' hindi pipigilan

Bagama't wala naman daw kaso ang pambabatikos kay Duterte, kalayaan sa pagpapahayag din ang ginamit ng Palasyo para depensahan ang mga bumibira sa Skimmers.

Ang ilang estudyante raw kasi na miyembro ng Skimmers, pinagbabantaan na ng mga tagasuporta ni Duterte lalo na nang i-share ni Overseas Workers Welfare Administration deputy administrator Mocha Uson ang kanilang video.

"Let’s kill the President daw? Yan na ba talaga ang tinuturo nila sa University of the Philippines ngayon?" ani Uson.

Ang ilang estudyante, nagse-send na rin daw ng video threats sa mga cheerers at pinagpapapaskil na ang kanilang mga litrato nang walang paalam.

Pero paliwanag ni Panelo, "natural" lang daw ito na tugon.

"Eh siyempre, natural lang 'yon na mag-react siyempre. Siyempre ang dating sa kanila, baka hindi sila nagbibiro. Baka kunwari nagbibiro sila, pero talagang binabanatan nila si presidente," sabi niya.

Naglabas na rin ng joint statement ang UP Visayas-University Student Council, Local College Councils at iba't ibang organisasyon laban sa panggigipit sa mga estudyante.

"[H]indi namin hahayaan ang anumang uri ng harassment o di naaayong pag-uugali sa aming mga nasasakupan, kahit na isang pirasong troll 'yan o ang buong administrasyong Duterte. Hindi namin ito titigilan. Kampi kami sa Skimmers. Kami ay #OneUPV."

Naglabas na rin ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng UPV sa mga nangyayari.

Ang annual cheering competition daw sa kanila, ay madalas na nilalangkapan ng satirikal na komentaryo, isyung lokal, kasabay ng pagdadala ng saya at pagsasama-sama sa pagbubukas ng kanilang sportsfest.

"Sa UP Visayas, ine-engganyo namin ang mga estudyante na maging kritikal at i-exercise ang freedom of expression. Sinisiguro rin namin na protektado sila sa loob ng mga kampus," dagdag ng pamantasan.

"Pinaaalalahanan namin ang lahat na maging maingat sa mga ginagawa nila, pero kinukundena namin ang lahat ng pananakot at harassment sa kanila."

 

 

Sa kabila ng lahat ng ito, hindi raw papayuhan ng Palasyo ang sinuman na tigilan ang ginagawang "harassment" sa mga estudyante.

"Free country tayo. Pwede silang mag-react kahit [saan]," pagtatapos ni Panelo.

Show comments