MANILA, Philippines — Nadagdagan pa ang mga kumpirmadong patay at mga lugar na isinailalim sa state of calamity simula nang yanigin ng magnitude 6.3 na lindol ang Tulunan, North Cotabato noong ika-16 ng Oktubre.
Pito na ang patay habang 215 ang sugatan sa pinakahuling ulat ngayong Lunes.
Nagmula ang mga biktima mula sa Davao Region, Soccsksargen at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council alas-sais ng umaga.
Kagabi, anim pa lang ang kumpirmadong nasawi habang 208 pa lang noon ang sugatan.
Umabot na sa 701 aftershocks ang naitala ng Phivolcs kaninang hatinggabi — 347 rito ang "plotted" habang 40 ang naramdaman.
Kahapon, 671 pa lang ang naitatalang aftershocks, 329 ang plotted at 27 lang ang "felt."
Nasa pagitan ng 1.5 hanggang 5.45 magnitude at intensity I hanggang VII ang mga nangyaring pag-uga.
State of Calamity, epekto nito
Samantala, dalawang munisipalidad naman ang naidagdag pa sa listahan ng mga bayang isinailalim sa "state of calamity" bunsod ng mga pagyanig.
Kabilang dito ang Matanao at Bansalan sa Davao del Sur.
Bagamat noong ika-17 at ika-18 pa nakapaglabas ng resolusyon tungkol dito, ngayon lang ito iniulat ng NDRRMC.
Una nang isinailalim ang Makilala, Cotabato sa state of calamity noong Huwebes.
Nagpapatupad ng 60-araw na "price freeze" sa mga pangunahing pangangailangan sa mga lugar kung saan ito idinedeklara.
Maaari ring magpatupad ng "price ceiling," o hangganan sa presyo, ang presidente sa mga pangunahing bilihin ayon sa rekomendasyon ng mga ahensya.
Ginagawaran naman ng pautang na walang interes ang "mga mga pinakanaapektuhang biktima ng sakuna sa pamamagitan ng mga kooperatiba o people’s organization."
Nariyan din ang pamamahagi ng Calamity Fund at pag-aangkat ng mga donasyon mula sa ibang bansa.
Nasa 20,755 katao ang naapektuhan ng insidente sa 79 baranggay ng Davao Region at Soccsksargen.
Sa bilang na ito, 1,407 ang pinagsisilbihan ngayon sa tatlong evacuation centers habang 2,978 ang nasa labas.
Nag-abot na rin ng ang Office of Civil Defense sa Davao Region ng P40,000 sa mga naapektuhan ng sakuna sa Tagum City, maliban pa sa family packs, tarp at emergency shelter kits.
Pinsala ng lindol
Mula sa 501, nadagdagan pa ang mga imprastrukturang wasak na wasak, o "totally damaged" at umabot na sa 506.
Nasa 2654 naman ang bahagyang napinsala mula sa 2,494 kahapon.
Marami sa mga tinamaan ay mga kabahayan, paaralan, health facilities at iba pang mga gusali ng gobyerno.