Ex-SP Nene Pimentel, pumanaw na

“Our beloved Tatay Nene has joined his Creator at 5 am today Oct 20, 2019. We thank all those who have been a part of his life. We ask for prayers for the repose of Tatay Nene’s soul. Thank you to all,” pahayag ng anak na si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III.
File

MANILA,Philippines — Pumanaw na kahapon ng madaling araw ang dating Senate president at itinuturing na “ama ng local government code” na si Aquilino “Nene” Pimentel Jr. sa edad na 85.

“Our beloved Tatay Nene has joined his Creator at 5 am today Oct 20, 2019. We thank all those who have been a part of his life. We ask for prayers for the repose of Tatay Nene’s soul. Thank you to all,” pahayag ng anak na si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III.

Noong Oktubre 14 isinugod sa intensive care unit ng St. Luke’s Medical Center sa Taguig City ang matandang Pimentel dahil sa pneumonia.

Sabi ni Sen. Koko, nagkaroon ng lymphoma ang kaniyang ama, na kumalat na umano sa katawan nito. 

Si Pimentel Sr. ang pangunahing may-akda ng Republic Act 7160, o ang Local Government Code of 1991 o ang batas na nagkaloob ng mas malawak na kapangyarihan para sa mga lokal na pamahalaan.

Kasama din si Pimen­tel sa mga founding mem­ber ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) party, na ngayon ay PDP-Laban.

Isa si Pimentel sa mga matitinding kritiko ni dating Pres. Ferdinand Marcos noong panahon ng Martial Law, at na­ging abugado pa sa mga biktima ng batas militar.

Nagsilbing senador si Pimentel mula 1987 hanggang 1992, at mula 1998 hanggang 2010. Umupo rin ito bilang Senate President mula 2000 hanggang 2001.

Bago maging senador, nahalal ito bilang de­legado ng Constitutional Convention noong 1971.

Naluklok din si Pimentel bilang alkalde ng lungsod ng Cagayan de Oro mula 1980 hanggang 1984, at assemblyman sa Batasang Pambansa noong 1984 hanggang 1986.

Pinakahuling papel na ginampanan ni Pimentel sa gobyerno ay ang pagiging miyembro ng Consultative Committee (ConCom) na inatasan ni Pangulong Du­terte na repasuhin ang 1987 Constitution at gumawa ng panibago na magbibigay daan para sa isang pe­deral na sistema ng pamahalaan.

Show comments