^

Bansa

Pag-engganyo ni Duterte kay Espenido 'patayin ang lahat' binira ng grupo

James Relativo - Philstar.com
Pag-engganyo ni Duterte kay Espenido 'patayin ang lahat' binira ng grupo
Sa 2017 file photo na ito, makikitang sinasabitan ni Duterte ng medalya ang noo'y hepe ng Ozamiz City police na si Jovie Espenido sa Camp Crame.
The STAR/Krizjohn Rosales, File

MANILA, Philippines — Kaysa engganyohin ang karahasan, inimbitahan ng isang human rights group ang gobyerno ng Pilipinas na magsimula na lang ng mga imbestigasyon pagdating sa mga pang-aabuso ng mga pulis.

"Kailangang matigil ang paghihikayat na dumanak ang dugo, at dapat nang magsimula 'yan sa pinakamataas na bahagi ng gobyerno, lalo na sa presidente mismo," ani Butch Olano, section director ng Amnesty International Philippines sa isang pahayag.

Noong Huwebes, matatandaang binigyang laya ni presidente si Police Lt. Col. Jovie Espenido na "patayin ang lahat" sa Bacolod dahil sa tindi raw ng problema sa droga roon.

"Matindi na ang problema sa Bacolod kaya inilagay ko si Espenido riyan, 'yung kinatatakutan nila na pulis," ani Duterte kahapon sa Manila Hotel.

"Sabi ko, 'Pumunta ka roon at malaya kang patayin ang lahat.' T*ng*na simulan mo nang pumatay doon, dalawa na lang tayo pa-preso."

Kilala si Espenido sa pangunguna sa gera kontra-droga na nagresulta sa pagkamatay ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog at kanyang misis noong Hulyo 2017.

Siya rin ang hepe ng Philippine National Police sa Albuera, Leyte nang napatay ang dating alkalde na si Rolando Espinosa Sr. sa kanyang selda matapos diumano manlaban sa mga pulis na naghain sa kanya ng  search warrant.

"Naninindigan kami na mahalagang unang hakbang sa pagtatapos ng cycle of violence at impunity ang pag-uutos sa pulis na itigil ang pamamaslang at mapanagot ang mga sangkot sa mapang-abusong operasyon," dagdag ni Olano.

Nitong Marso, matatandaang sinabi ng United Nations High Commissioner for Human Rights na umabot na sa 27,000 ang napapatay sa madugong "war on drugs" ni Duterte.

Bakit na-'promote'?

Sa kabila ng mga nangyari sa ilalim ng pamumuno ni Espenido, kwinekwestyon ngayon ni Olano kung naatim pang parangalan si Espenido.

Sa kanyang talumpati kagabi, iprinomite pa kasi ni Digong ang pulis bilang deputy director for operations ng Bacolod City.

"Hindi dapat na-promoted si Lt. Col. Jovie Espenido at itinalaga sa isang senior position, dahil sa pagkakasangkot niya sa madudugong operasyon noon," ani Olano.

Kaysa mapanagot ang mga gaya ni Espenido, napakarami pa raw na gaya niyang kung hindi pinararangalan ay inililipat lang.

Kaugnay nito, nakuha pa ng Amnesty International na pasaringan ang 13 pulis-Pampanga na diumano'y tumangay sa mga nakumpiskang shabu noong 2013 para maibenta.

"Sa ilalim ng administrasyon na ito, hindi lang droga ang nire-recycle, pati mga masasamang pulis," wika pa ni Olano.

Sa gitna ng isyu, nagbitiw sa pwesto ang dating hepe ng PNP na si Gen. Oscar Albayalde, na pinararatangang "protektor" ng mga nasabing pulis.

Una nang pinuri ng Palasyo si Espenido ngayong buwan dahil sa kahusayan niyang magpabagsak ng mga sindikato ng droga sa Bacolod.

"Ang reputasyon ni Espenido 'pag nandoon sa isang lugar ay bumabagsak ang sindikato ng droga. Ibig sabihin talagang masigasig siya," sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo.

AMNESTY INTERNATIONAL

BUTCH OLANO

JOVIE ESPENIDO

RODRIGO DUTERTE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with