^

Bansa

Gordon: 2013 buy-bust ng Pampanga 'ninja cops' 'hulidap talaga ang pakay'

James Relativo - Philstar.com
Gordon: 2013 buy-bust ng Pampanga 'ninja cops' 'hulidap talaga ang pakay'
Samantala, sinabi rin ni Gordon na napatunayang guilty ng "malfeasance," "misfeasance" at "nonfeasance" sina dating Philippine National Police chief Gen. Oscar Albayalde, Police Major Rodney Baloyo at iba pa.
News5/Marie Ann Los Baños

MANILA, Philippines — Walang nangyaring drug raid at hulidap diumano ang ginawa ng 13 pulis-Pampanga na inaakusahang nag-recycle diumano ng nakuhang droga sa isang operasyon noong 2013, ayon kay Sen. Richard Gordon sa Senado, Biyernes.

Ito ang sinabi ng senador matapos niyang ibahagi ang ulat ng Senate Blue Ribbon committe sa kanilang imbestigasyon sa isyu ng "ninja cops" at Good Conduct and Time Allowance.

"Talagang hindi buy bust. Ang pakay ay hulidap. Ni walang test-buy. 'Yung drug lord, tatang-tanga ba na papasukin sa bahay nila at magbibigay ng droga?" ani Gordon.

"Talagang hao shao, lutong Macao."

Nobyembre taong 2013 nang magkaroon ng anti-drug oprations ang Philippine National Police sa Mexico, Pampanga at diumano'y "ninakaw" ng mga pulis ang nakuhang 160 kilo ng shabu mula sa pinaghihinalaang tulak.

Ang diumano'y drug lord na si Johnson Lee, siningil daw ng P50 milyon kapalit ng kanyang kalayaan. Isang Tsino raw ang ipinalit kay Lee bilang suspek.

"Naiisip niyo nakatala na ito sa kasaysayan ng PNP... nagkaroon ng palitan ng ulo?" dagdag ni Gordon. 

Ang "hulidap" ay pinaghalong salitang "huli" at "holdap" kung saan naniningil ng pera ang isang alagad ng pulis kapalit ng kalayaan ng inarestong suspek.

Una nang inilantad ng dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Group ang diumano'y pagpapatakas ng mga pulis kay Lee.

"Pinatakas nila si Johnson Lee at kumuha sila ng isa pang Chinese suspect. According to our sources, si Johnson Lee po ay nagbayad ng around 50 million for his freedom," ani Magalong.

Sa kabila nito, nanindigan si Police Major Rodney Baloyo, na nanguna sa operasyon, na dinakip nila si Lee.

Si Baloyo, na kasama 13 akusado, ay kasalukuyang nakakulong sa New Bilibid prison matapos ma-cite for contempt ng mga senador dahil daw sa pagsisinungaling.

Huwebes nang muling sinimulan ng Department of Justice ang imbestigasyon nito sa nasabing kaso matapos itong ma-dismiss noon.

Kahapon, binalaan ni Duterte ang mga pulis at kriminal na nagbebenta ng mga nakumpiska nilang droga.

"[K]aya kong maging masama tulad niyo, mas masama sa inyo, kung gugustuhin ko," sabi ng presidente sa isang business conference sa Inggles.

"May dalawang taon pa ako, kaya kong bigyan ng impiyerno ang lahat. Madali lang, kailangan ko lang maging bad boy. mag-walang hiya ka lang. Yariin mo lahat."

Guilty si Albayalde?

Samantala, sinabi rin ni Gordon na napatunayang guilty ng "malfeasance," "misfeasance" at "nonfeasance" sina dating PNP chief Gen. Oscar Albayalde, Baloyo at iba pa.

Dagdag pa niya, kumbinsido siyang alam ni Albayalde ang 2013 drug operation bago pa ito gawin ng mga tauhan niya sa Pampanga.

"Imposibleng hindi nya alam yan. Sino bang in-charge sa Pampanga? Kanino ba tao si Baloyo?" sabi pa ni Gordon.

Aniya, malfeasance daw na maituturing ang ginawa ni Albayalde nang tawagan niya sina dating hepe ng Central Luzon regional police na si Rudy Lacadin at hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency na si Aaron Aquino.

"May panahon na tinawagan niya ako noong imbestigasyon. 'Sir, parang naimbestigahan niyo raw kami,'" ani Lacadin noong nakaraang linggo.

Tumestigo rin si Aquino na tinawagan daw siya ni Albayalde para hindi ipatupad ang dismissal order sa 13, na kanyang tauhan daw.

Tinawag ni Gordon na guilty si Albayalde kahit na hindi trabaho ng Senado na magdesisyon kung nagkasala o hindi ang isang tao.

Ang naturang komite ay nag-iimbestiga lang tungkol sa diumano'y maling gawi ng mga opisyal ng gobyerno upang makapagbalangkas ng panibago o mag-amyenda ng lumang batas.

Nitong Lunes, matatandaang nagbitiw bilang PNP chief si Albayalde matapos tawaging protektor ng "ninja cops." — may mga ulat mula kay The STAR/Paolo Romero at News5

DRUGS

NINJA COPS

OSCAR ALBAYALDE

RICHARD GORDON

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with