MANILA, Philippines — Sa gitna ng patuloy na pagsikip ng daloy ng trapiko at pagkasira ng mga tren sa Kamaynilaan, iminumungkahi ngayong Huwebes ni Sen. Sonny Angara na tuluyan nang maging ligal na pamasada ang mga sasakyang dalawang gulong.
Kung maisasabatas ang Senate Bill 1025, papayagan nang mamayagpag nang walang takot ang mga habal-habal at motorcycle taxis sa kalsada.
"Ang hirap nang mag-commute sa Metro Manila. Kailangang maglaan ng hindi bababa sa dalawang oras ng karaniwang mananakay para lang makarating ng trabaho at eskwela, at 'yan ay kung ayos ang regular modes of transport," ani Angara sa Inggles.
"Paano kung nasira ang [Metro Rail Transit-3]? Kulang pa ang dalawang oras mo sa biyahe."
Noong ika-3 ng Oktubre, matatandaang nakasunog sa Light Rail Transit-2, bagay na ikinaperwisyo ng libu-libong komyuter.
"[K]aramihan sa kanila ay habal na ang sinasakyan para mas mabilis makarating sa destinasyon nila at mas mura din ito kumpara sa Grab," dagdag ng senador.
Dahil sa sunog sa LRT-2, isinara muna ang Santolan, Katipunan at Anonas stations at nakikitang sa Disyembre pa ito magbabalik-operasyon.
Sa Republic Act 4136, na kilala rin bilang Land Transportation and Traffic Code, maaari lang iparehistro para sa pansariling gamit ng indibidwal o gobyerno ang motorsiklo — bawal itong arkilahan.
Sa kabila nito, marami pa ring umiiral na iligal na habal-habal, hindi lang sa Metro Manila ngunit pati na rin sa probinsya.
Dahil dito, sinabi ni Angara na hindi na maaaring maisantabi ang taas ng demand para sa nasabing serbisyo.
Angkas: Ligal ba o hindi?
Bagama't popular ngayon ang serbisyong Angkas, iligal pa rin ito sa ilalim ng RA 4136.
Gayunpaman, binigyan sila ng anim na buwang pilot-run ng Department of Transportation na siyang gagamiting batayan kung isasaligal ito o hindi.
Ang desisyon ay bunga ng rekomendasyon ng isang technical working group na binubuo ng DOTr, Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board atbp.
Kasalukuyang pinapayagan ang operasyon nito sa Metro Manila at Cebu.
Magtatapos ang trial period ng nasabing motorcycle-hailing service sa Disyembre.
Kaligtasan paano masisiguro?
Kung tuluyang maisasabatas, aatasan ang LTO upang siguruhin ang "roadworthiness" ng mga motorcycles-for-hire bago sila mairehistro bilang commercial vehicle.
Hindi rin hahayaan ang anumang pagbabago o modifications sa mga motor, maliban sa paglalagay ng motorcycle luggage carriers, saddlebags, step boards o foot pegs, naaayon na speed limiter at monitoring device.
Para mapayagan din ang motor, kinakailangang hindi bababa sa 125 cubic centimeters ang engine displacement nito.
Dapat din daw ay "backbone-type built" ang nasabing sasakyan.
Sa kabila nito, lagpas kalahati ng mga naitatalang pagkasawi sa kalsada sa mundo noong 2018 ang nagmumula sa sektor ng motorcycle riders, nagbibisikleta at mga pedestrian, ayon sa World Health Organization.
Kung sa Pilipinas 'yan, pumapatak ng 53% ang mga naiulat na road traffic fatalities noong 2015 kaugnay ng mga sasakyang dalawa o tatlo ang gulong.