^

Bansa

Sumemplang o natumba? Duterte nasaktan habang nagmomotor

James Relativo - Philstar.com

MANILA, Philippines — Natumba ang Pangulong Rodrigo Duterte habang nakasakay ng motorsiklo sa compound ng Presidential Security Group, Miyerkules ng gabi.

"[Si] Duterte sumemplang kagabi habang nagmo-motor palabas ng PSG compound," naman ang pahayag ni Sen. Christopher "Bong" Go, na dating special assistant ng pangulo at madalas nitong kasama sa mga biyahe at minsan kumain.

Ayon kay Brig. Gen. Eriel Niembra, commander ng PSG, sinusubukan daw kasi ni Duterte ang bago niyang motorsiklo sa bandang Malago Clubhouse na nasa PSG compound.

"Matapos niyang i-park 'yung motorsiklo niya, naipit 'yung sapatos niya. Inaabot niya tapos natumba siya," paliwanag naman ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa isang press briefing sa Inggles.

"May kaunti siyang galos sa siko at sa tuhod... Okay naman siya."

Bagama't sinabi ni Panelo na naka-parada na ang presidente nang matumba, taliwas naman daw ito sa pahayag ni Niembra na tumama sa bato ang motorsiklo.

Paninindigan ni Panelo na natumba lang talaga si Duterte habang nakahinto.

"Kausap ko si first lady. Kinwento niya sa akin [mismo]," sabi ng tagapagsalita.

'Nag-breakfast na nga kanina'

Dagdag naman ni Niembra, hindi naman daw kailangan na dalhin sa ospital o klinika ang 74-anyos na presidente dahil wala naman daw siyang tinamong pinsala sa katawan.

Sa kabila nito, nagasgasan naman daw ang harapan ng motorsiklo ni Digong.

Hindi naman daw maaapektuhan ng nangyari ang mga aktibidades ng presidente ngayong araw.

"Nag-breakfast na nga kanina, lumalakad naman. I don't think na maca-cancel any of his activities dahil doon," ani Panelo.

Pagbabahagi naman ni Go, medyo sumakit ang balakang ng presidente matapos ang insidente.

Kilala ang pangulo bilang isang motorcycling enthusiast simula pa noon.

Bago maging presidente, matatandaang lumabas noon si Digong sa isang patalastas sa telebisyon kung saan nakasakay siya sa motorsiklo.

 

Sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority, umakyat ng 21% ang kaso ng mga motorcycle crashes taong 2018 kumpara noong 2017 sa bilang na 26,652.

Ayon naman sa World Health Organization, lagpas 50% ng mga namamatay dulot ng road crashes ang mga sumasakay sa motorsiklo, bisikleta at mga pedestrian.

Sa Global Status Report on Road Safety noong 2015, sinasabing 53% ng naiulat na road traffic fatalities sa Pilipinas ay dulot ng motorized two o three-wheeler vehicles. — may mga ulat mula kay The STAR/Christina Mendez at News5

MOTORCYCLE

RODRIGO DUTERTE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with