'Net satisfaction rating' ni VP Leni Robredo lalong tumaas sa Q3 — SWS

"Ang 5-puntos na pagtaas sa kabuuang net satisfaction rating ni Vice-Pres. Robredo ay dahil sa pagtaas nito sa lahat ng lugar, lalo na sa Mindanao," ayon SWS sa Inggles.
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Sa gitna ng kinakaharap na electoral protest, maraming Pilipino pa rin ang natutuwa sa trabaho ni Bise Presidente Leni Robredo, ayon sa inilabas na survey ng Social Weather Stations Miyerkules ng hapon.

Mula sa +28 na net satisfaction rating ni Robredo noong Hunyo 2019, tumaas ito sa +33 ngayong Setyembre 2019, na itinuturing na "good" ng SWS.

"Ang 5-puntos na pagtaas sa kabuuang net satisfaction rating ni Vice-Pres. Robredo ay dahil sa pagtaas nito sa lahat ng lugar, lalo na sa Mindanao," ayon sa organisasyon sa Inggles.

Isinagawa ang pag-aaral mula ika-27 hanggang ika-30 ng Setyembre.

Nakukuha ang net satisfaction rating sa pag-aawas ng porsyento ng kunto sa porsyento ng hindi kuntento sa isang personalidad.

Sa pinakabagong pag-aaral, lumalabas na 56% ng Pilipino ang kuntento sa trabaho ng ikalawang pangulo kumpara sa 23% hindi kuntento.

Mas mataas ang net satisfaction rating ni Robredo noong nakaraang buwan kahit na mas marami ang satisfied sa trabaho ni Robredo noong Hunyo (57%) kumpara noong Setyembre (56%).

'Yan ay dahil nabawasan ang mga dissatisfied sa trabaho ni Robredo noong Setyembre (23%) kumpara sa mga ayaw ang trabaho niya noong Hunyo (29%).

Sotto, Cayetano at Bersamin

Samantala, umaani naman ng +61 na net satisfaction rating si Senate Presidente Vicente Sotto III, +49 kay Speaker of the House Alan Peter Cayetano at +16 para kay Chief Justice Bersamin.

Para kay Sotto, lumalabas na 72% ang natutuwa sa trabaho niya habang 11% ang hindi natutuwa.

Nasa 64% naman ang satisfied sa trabaho ni Cayetano kumpara sa 14% na dissatisfied sa kanyang performance noong Setyembre.

Si Bersamin naman, na nakatakdang magretiro sa ika-18 ng Oktubre, lumalabas na 35% ng mga Pilipino ang kuntento sa kanyang trabaho habang 19% lang ang dissatisfied.

Senado, Kamara at Korte Suprema

Pare-pareho namang bumaba ang satisfied sa trabaho ng lehislatura at hudikatura.

Ayon sa SWS, mula sa 74% noong Hunyo, bumaba sa 69% ang natutuwa sa trabaho ng Senado.

Tumaas din ang dissatisfied sa kanilang trabaho mula sa 11% patunong 13%.

Ang Kamara naman, mula sa 62% noong Hunyo at sumadsad din patunong 57% din noong nakaraang buwan.

Nanatili naman sa 14% ang hindi natutuwa sa trabaho ng Mababang Kapulungan.

Nasa 57% na lang din ang satisfied sa trabaho ng Korte Suprema noong nakaraang buwan, kumpara sa 66% noong Hunyo.

Umakyat din ang hindi natutuwa sa korte mula 12% patunong 16%.

Show comments