Payag ka? 2 taong probation bago ma-regular sa trabaho itinulak

Sa House Bill 4802, sinabi ni Probinsyano Ako party-list Rep. Jose "Bonito" Singson Jr. na sadyang hindi sapat ang anim na buwan para malaman kung kwalipikado talaga sa trabaho ang probationary employee, "lalo na sa mga posisyong humihingi ng espesyal na kakayahan at talento."
File

MANILA, Philippines — Gustong pahabain ng isang mambabatas ang kinakailangang probationary employment ng mga nagtratrabaho mula anim na buwan hanggang 24 na buwan, o dalawang taon, bago ma-regular.

Sa House Bill 4802, sinabi ni Probinsyano Ako party-list Rep. Jose "Bonito" Singson Jr. na sadyang hindi sapat ang anim na buwan para malaman kung kwalipikado talaga sa trabaho ang probationary employee, "lalo na sa mga posisyong humihingi ng espesyal na kakayahan at talento."

Sa pag-unlad daw kasi ng teknolohiya sa iba't ibang industriya, sinabi ni Singson na kinakailangang dumaan sa "developmental training" at pagtatasa ang mga bagong nagtratrabaho para matiyak na kaya nila ang ipinagagagawa sa kanila.

"Sa bawat antas ng pag-unlad, kinakailangang i-satisfy ng probationary employee ang iba't ibang standards para mag-qualify. Madalas, humingi ang proseso ng lagpas anim na buwan," ani Singson sa Inggles.

Inihain ni Singson ang panukala noong ika-24 ng Setyembre.

Sa ilalim ng Article 281 ng Presidential Decree 442, o Labor Code of the Philippines, gagawing regular na empleyado ang mga "probie" status oras na patuloy na nagtrabaho lagpas anim na buwan.

Probationary employment shall not exceed six (6) months from the date the employee started working, unless it is covered by an apprenticeship agreement stipulating a longer period... An employee who is allowed to work after a probationary period shall be considered a regular employee.

Ang mga probationary status ay hindi saklaw ng ilang karapatan at benepisyong tinatamasa ng mga regular na empleyado.

Mas madali ring tanggalin sa trabaho ang mga hindi permanenteng empleyado dahil sa mga "katanggap-tanggap at dahilan" o kung hindi nila maabot ang pamantayan na nais ng employer, ayon sa Labor Code.

Nakukuha ang security of tenure ng mga empleyadong regular.

The services of an employee who has been engaged on a probationary basis may be terminated for a just cause or when he fails to qualify as a regular employee in accordance with reasonable standards made known by the employer to the employee at the time of his engagement.

Usapin ng 'endo'

Paliwanag naman ni Singson, dahil sa kasalukuyang batas ay napipilitan daw ang mga employer na magsagawa ng "endo" (end of contract) bago sumapit ang anim na buwan.

"Walang magawa ang mga amo kung hindi tapusin ang probationary employment kahit na nasa proseso pa sila ng pag-evaluate ng probationary employee para maiwasan ang automatic regularization ng unqualified employee," dagdag niya.

Kontrobersyal ang pagsasagawa ng endo sa Pilipinas dahil ginagamit daw ito ng mga kumpanya upang lusutan ang batas at hindi magbigay ng naaayon na benepisyo at karapatan sa mga manggagawa't empleyado sa ngalan ng kita, ayon sa ilang labor groups.

Sa kabila nito, naninindigan si Singson na para rin ito sa empleyado para "tumaas ang tyansa na magkwalipika sa regular status at para makatipid ang employer mula sa palagiang pagkuha at pagpapanatili ng probationary employees."

Sa ngayon, nakasalang pa rin sa Senado at Kamara ang ilang panukalang batas kontra endo.

Ilan dito ay ang House Bill 3381 ng Makabayan bloc, na layong pagbawalan ang lahat ng uri ng kontraktwalisasyon, endo at labor only contracting.

Bagama't hindi ipinagbabawal ng Senate Bill 806 ni Sen. Joel Villanueva ang kontraktwalisasyon, ipinagbabawal din nito ang endo, nagpapataw ng mas malaking multa sa labor only contracting at bibigyan ng karapatang gaya ng sa regular ang mga nagtratrabaho habang tumatakbo ang kontrata.

Show comments