^

Bansa

12 sa 13 diumano'y 'ninja cops' humarap sa imbestigasyon ng DOJ

Philstar.com
12 sa 13 diumano'y 'ninja cops' humarap sa imbestigasyon ng DOJ
Sa pangunguna ni Senior Assistant State Prosecutor Alexander Suarez, nagsagawa ng preliminary investigation sa kaso ng 13 pulis na inirereklamong tumangay sa shabung nagkakahalaga ng P648 milyon, habang pinatakas naman daw nila ang diumano'y drug lord na si Johnson Lee.
The STAR/Edd Gumban

MANILA, Philippines — Sinimulan nang muli ng Department of Justice ang imbestigasyon sa drug raid ng mga pinaghihinalaang "ninja cops" sa Pampanga noong 2013.

Sa pangunguna ni Senior Assistant State Prosecutor Alexander Suarez, nagsagawa ng preliminary investigation sa kaso ng 13 pulis na inirereklamong tumangay sa shabung nagkakahalaga ng P648 milyon, habang pinatakas naman daw nila ang diumano'y drug lord na si Johnson Lee.

Sa preliminary probe, humingi sa panel ng prosecutors ng dagdag na oras ang Philippine National Police-Crime Investigation and Detection Group, na tumatayong complainant, para makapaghain ng mga karagdagang ebidensya.

Dumalo ang lahat ng akusado, o respondent, sa preliminary investigation maliban kay Police Major Rodney Baloyo.

Una nang na-cite ng mga senador para sa contempt si Baloyo dahil sa "pagsisinungaling" at "pag-iwas" habang nagsasagawa ng legislative inquiry sa good conduct and time allowance law at isyu ng ninja cops.

Kasalukuyang nakakulong sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa si Baloyo.

Humingi naman ng dagdag na oras sa panel sina Police Senior Master Sergeant Alcindor Tinio, Police Senior Master Sergeant Eligio Veleroso at Police Corporal Anthony Lacsamana para makapagsumite ng karagdagang ebidensya upang madepensahan ang sarili.

Binigyan ng panel ang dalawang partido ng hanggang ika-21 ng Oktubre para makapagsumite sila ng kani-kanilang pleading.

Si Justice Secretary Menardo Guevarra ang nag-utos na muling masilip ang drug complaints ng CIDG laban sa 13 sa raid noong 2013.

Naghain ng reklamo ang CIDG dahil sa diumano'y paglabag sa section 27, 29 at 32 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga pulis.

Sa kabila nito, nabasura ang reklamo at dumadaan ngayon sa Petition for Review.

Binigyan ni Guevarra ang mga prosecutor ng 30 araw para matapos ang pagsilip sa kaso.

Matatandaang idinidiindin ang dating hepe ng PNP na si Gen. Oscar Albayalde dahil sa diumano'y "pagproprotekta" sa 13 pulis.

Nagbitiw naman sa pwesto si Albayalde nitong ika-14 ng Oktubre at napagdesisyunang magpatuloy sa ilalim ng non-duty status habang hinihintay ang kanyang pagre-retiro sa ika-8 ng Nobyembre.

Sa kabila nito, sinabi naman ni Alliance of Concerned Teachers Rep. France Castro na hindi sapat ang pagre-resign ni Albayalde, at dapat managot sa kanyang kinalaman sa isyu.

"Dapat tuluyang managot si General Albayalde at ang lahat ng sangkot sa mga korapsyon sa ilalim ng tinuturing na giyera kontra droga na ilang beses nang napatunayang palpak, peke at mapanlinlang," ani Castro sa ulat ng GMA News.

Nanindigan naman ang Palasyo na hindi nila pinilit si Albayalde na magbitiw sa pwesto.

"Siguro nagsasawa na siya sa mga akusasyon at pagpaparinig tungkol sa diumano'y pagkakasangkot niya sa kaso ng droga, lalo na't nagdurusa ang pamilya niya sabi niya," sabi ni presidential spokesperrson Salvador Panelo sa panayam ng ANC.

Nangyayari ang lahat ng ito sa gitna ng madugong kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte kontra iligal na droga. — James Relativo at may mga ulat mula kina Kristine Joy Patag at The STAR/Evelyn Macairan

DEPARTMENT OF JUSTICE

NINJA COPS

WAR ON DRUGS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with