LPA silangan ng Aurora lumakas, naging bagyong 'Perla'
MANILA, Philippines — Binabantayan ngayon ng PAGASA ang isang bagyo na namataan 1,120 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora.
Bandang alas-otso ng umaga, ang dating low pressure area ay naging tropical depression na at pinangalanang "Perla," ayon sa weather bureau ngayong alas-onse ng umaga.
Merong lakas na 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugsong umaabot ng hanggang 55 kilometro kada oras ang bagyo.
Sinasabing gumagalaw ito sa direksyong pa-kanluran hilagangkanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Wala pang tropical cyclone wind signal sa anumang bahagi ng bansa sa ngayon, ngunit tinatayang susungit ang panahon sa hilagang bahagi ng bansa bago magtapos ang linggo.
"[M]aaaring magdala si 'Perla' ng masamang lagay ng panahon sa Batanes, Cagayan (kasama ang Babuyan Islands) at Apayao simula Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng umaga," sabi ng PAGASA sa Inggles.
Delikado naman ang paglalayag lalo na sa mga maliliit na sasakyang pandagat sa northern at western seaboards ng Hilagang Luzon buhat ng northeasterly surface windflow.
- Latest