VP Leni Robredo: Protesta ni Bongbong Marcos 'dapat nang i-dismiss'

"[M]akikita kapag nilabas na 'yung report kung ano 'yung lumabas sa recount, at makikita na walang substantial recovery si Marcos."
File

MANILA, Philippines — Kasunod ng muling pagkaantala ng desisyon ng Presidential Electoral Tribunal sa poll protest ni dating Sen. Bongbong Marcos, iginiit ni Bise Presidente Leni Robredo na dapat nang balewalain ang reklamo sa resulta ng pagkapangalawang pangulo.

Kwinekwestyon pa rin kasi ni Marcos ang pagkapanalo ni Robredo noong 2016.

"Nananatili kami sa aming paniniwala na walang ibang acceptable na desisyon kung hindi i-dismiss 'yung protest in accordance with rule 65 ng PET, and in accordance with the results of the recount," sabi ni Robredo sa isang press conference Martes.

Bagama't wala pang inilalabas na resulta, kampante ang kampo nina Robredo na talo pa rin si Marcos sa recount na ginawa sa tatlong pilot provinces: "[M]akikita kapag nilabas na 'yung report kung ano 'yung lumabas sa recount, at makikita na walang substantial recovery si Marcos."

Si Marcos mismo ang pumili sa Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental bilang pilot provinces sa kanyang second cause of action sa electoral protest.

Nagpasalamat naman si Robredo sa lahat ng nag-vigil ngayong araw at nitong mga nakaraang linggo sa Korte Suprema at iba't ibang bahagi ng bansa bilang suporta sa ikalawang presidente.

Kabilang daw sa mga pinagdausan nito ang Naga, Cebu, Baguio, Cagayan de Oro, Maguindanao, Lanao del Sur, Negros at iba pang bahagi ng Pilipinas.

"Para kasi sa kanila, hindi lang ito suporta sa akin, pero proteksyon para sa sarili nilang boto. Proteksyon na hindi nakawin ang kanilang boto," dagdag niya.

Nagpahayag din ng suporta ang ilang kaalyado ni Robredo sa social media kanina.

"Titindig ako kasama si Leni Robredo. Siya lang ang aking bise presidente, siya ang bise presidente ng Republika ng Pilipinas," ani Florin Hilbay sa Inggles.

"Sa mga nang-aagaw, *****, lahat na lang ninakaw nyo."

Si Erin Tañada naman, sumama sa martsa kanina sa Kataas-taasang Hukuman kaninang tanghali.

'Pag-void ng boto' sa ilang BARMM areas

Samantala, ipinapabalewala ngayon ni Marcos ang mga botong nakuha mula sa Maguindanao, Basilan at Lamapo del Sur dahil daw sa "malawakang terorismo, karahasan at pananakot" sa lugar nang mangyari ang eleksyon.

Talamak din daw ang tradisyunal na pandaraya gaya ng "pagbili ng boto."

Bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang tatlong lugar.

Marcos: Ninakawan ako ng 3-taong termino

Sa kabila nito, ibinahagi ni Marcos sa ulat ng GMA News na masaya pa rin siya dahil tuloy pa rin daw ang kanyang protesta.

"Siyempre masaya ako, tuloy ang kaso ko. 'Yung gusto ni Justice [Benjamin] Caguioa, i-dismiss 'yung kaso... Hindi pumayag 'yung Supreme Court. So buhay ang kaso, and it continues and ipaglalaban pa rin natin hanggang sa lahat ng ebidensya na nais naming ipakita sa tribunal ay maipakita natin," sabi niya habang sumasayaw at nakangiti.

Si Caguioa ang member-in-charge sa kaso ni Marcos. 

Sa kabila nito, itinanggi ni SC spokesperson Brian Hosaka na meron nang desisyon ang korte kung magpapatuloy ang poll protest ni Marcos.

"Pagdating sa desisyon, wala pa," ani Hosaka sa Inggles.

Hindi pa naman daw nakikita ni Hosaka ang rebisyon ng mga balota pagdating sa recount sa tatlong probinsya: "Antayin na lang natin kapag naibigay na sa mga partido [kina Marcos at Robredo] ang resulta," ani Hosaka.

Pinagko-komento naman sina Marcos at Robredo patungkol sa rebisyon at resulta ng recount sa pilot provinces.

Aminado naman si Marcos na "frustrated" siya sa bagal ng itinatakbo ng kaso.

Sa ngayon, naninindigan pa rin ang anak ng dating diktador na si Ferdinand Marcos na siya ang "tunay na bise presidente ng Pilipinas," at nanakawan daw siya ng pwesto.

"Oo. Talaga. Sa pagsasagawa ng dayaan sa halaan, ninakawan nila ang totoong bise presidente na nanalo, ako, sa tatlong taon ng serbisyo," ani Marcos.

Show comments