Tren na likhang-Tsina idadagdag sa MRT-3 simula mamayang gabi

Ang bawat set ng tren ay may three-car configuration at kayang magdala ng hanggang 1,050 katao kada biyahe.
Released/DOTr

MANILA, Philippines — Madadagdagan ang mga tren na tumatakbo sa kahabaan ng Manila Metro Rail Transit System Line 3 ngayong araw, pagkukumpirma ng Department of Transportation MRT-3 ngayong Martes.

Aniya, napirmahan na ng Sumitomo Corporation-Mitsubishi Heavy Industries - TES Philippines ang permiso para sa limitadong deployment ng isang train set.

"Simula ngayong araw, ika-15 ng Oktubre 2019, isang Dalian train set (na katumbas ng tatlong bagon) ang tatakbo sa mga riles ng MRT-3 mainline tuwing gabi habang hindi peak hours, mula 8:30 p.m. hanggang 10:30 p.m.," ayon sa pahayag ng DOTr MRT-3 Martes sa Inggles.

Ang bawat set ng tren ay may three-car configuration at kayang magdala ng hanggang 1,050 katao kada biyahe.

Itatalaga ang tren sa inisyal na trial period na tatagal hanggang sa simulan ang rail replacement works sa susunod na buwan, Nobyembre 2019.

Nag-uusap na rin ang mga opisyal ng DOTr MRT-3, Sumitomo Corporation at Mitsubishi Heavy Industries pagdating sa mga "technical considerations" lalo na't aarangkada ang rail replacement works sa mga darating na buwan.

"Sa ngayon, tatlong Dalian trains na pare-parehong may tatlong bagon ang nakakumpleto na ng kinakailangang commissioning at validation tests kasama ang 150-hour run," sabi ng DOTr MRT-3.

Matatandaang bahagi ang tren ng 48 tren na binili ng dating Pangulong Benigno Aquino III sa halagang P3.8 bilyon mula sa kumpanya mula Tsina.

Karamihan sa mga ito ay hindi pa rin nagagamit nang regular magpahanggang sa ngayon.

Sa ngayon, kinikilala naman ng gobyerno na nahuhuli na ng 20 taon ang Pilipinas pagdating sa mass transport infrastructure.

"Kaya nga po laging itinutulak ni Secretary [Arthur] Tugade na magtrabaho ang mga opisyal namin ng triple time para lang makapag-deliver," ani DOTr Assistant Secretary for Communications and Commuter Affairs Goddes Gope Libiran sa isang pahayag.

"'Yung MRT-3 rehabilitation project na sobrang tagal na pong delayed niyan nagsimula na on May 2019 and will be completed on July 2021."

Sa ngayon, nagpapatuloy ang konstruksyon ng LRT-1 Cavite Extension, Common Station at Philippine National Railways sa Clark.

Show comments