MANILA,Philippines — Isang kaeskuwela “mistah” ni outgoing Philippine National Police Chief Gen. Oscar Albayalde sa Philippine National Police ang itinalaga bilang officer-in-charge ng PNP makaraang magbitiw ito sa puwesto.
Aaktong OIC si Police Lt. Gen. Archie Gamboa na nagsilbing commander ng PNP National Security Task Force para sa 2019 midterm elections. Kaeskuwela niya si Albayalde sa PMA Sinagtala Class of 1986 kasama si PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Camilo Cascolan.
Sina Gamboa at Cascolan ay kabilang sa frontrunner sa pinakamataas na posisyon sa PNP.
“Bilang OIC, responsibilidad ko na pangasiwaan ang lahat ng aktibidad ng PNP command group, katulong ang 10 directorial staff. Sa ganitong responsibilidad, tinitiyak ko ang patuloy na pagpapatupad ng lahat ng kampanya sa panloob na seguridad, anti-criminality, anti-illegal drugs at anti-corruption alinsunod sa mga national priotities at direction ni Pangulong Rodrigo Duterte,” sabi ni Gamboa sa panayam ng mga reporter sa Camp Crame, Quezon City.
Sa isang panayam, sinabi ni PNP Spokesman Brig. Gen. Bernard Banac na si Gamboa na number 2 man ng PNP ang tatayong OIC nito habang naghahanap pa si Pangulong Duterte ng papalit kay Albayalde. Pinaka-senior police official anya si Gamboa.