MANILA,Philippines — Tiniyak ng Malacañang na walang ‘pressure’ para sa desisyon ni Philippine National Police Chief General Oscar Albayalde na bumaba sa puwesto nang mas maaga kaysa sa kanyang retirement sa November 8.
Nagpaalam na kahapon ng umaga sa flag raising ceremony sa Camp Crame si Gen. Albayalde at inihayag ang kanyang non-duty status simula kahapon.
Sinabi naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo walang anumang pressure na nagmula sa Malacañang upang maagang bumaba sa puwesto si Albayalde.
Wika pa ni Sec. Panelo, sariling desisyon ni Albayalde ang maagang bumaba sa puwesto para sa non-duty status nito.
“Desisyon niya iyan. Maaaring napuno na siya sa mga akusasyon sa kanya na kasinungalingan at hindi parehas. Sinabi niya na nagdurusa ang kanyang pamilya kaya nagpasya na siya,” sabi ni Panelo.
Magugunita na naunang itinakda ng Malacañang sa October 29 ang turn over ceremony ng PNP leadership dahil dadalo si Pangulong Duterte sa ASEAN Summit sa Bangkok, Thailand.