9-15 taon sa buhay ng Pinoy, maaaring nauubos sa trapik — urban planner
MANILA, Philippines — Kung susumahin, posibleng mahigit-kumulang isang dekada ang nasusunog ng Pilipinong naiipit sa kalsada araw-araw, pagbabahagi ng isang arkitekto ngayong Lunes.
Sa panayam ng ANC kanina, sinabi ni Felino Palafox Jr. nakita na nilang mangyayari ang katakut-takot na bigat ng trapik 43 taon na ang nakalilipas.
"Sinulat ko na noon na kung 40 taon ang economic life mo, at naglalaan ka ng lima hanggang anim na oras sa commute araw-araw, 28,000 hanggang 40,000 oras na ang nasayang mo sa isang taon," ani Palafox sa Inggles.
"Mahigit siyam na taon na ang nawala noon sa buhay mo. Siyam hanggang 15 taon."
Sapat na ang 15 taon para umabot ng high school ang sinumang ipapanganak sa biyahe hanggang sa matapos ito.
Binanggit ito ng urban planner kasabay ng debate kung dumaranas nga ba o hindi ng krisis sa mass transit system ang Kamaynilaan.
'Walang transport crisis'
Matatandaang kumasa si presidential spokesperson Salvador Panelo sa hamon ng ilang militanteng grupo nitong Biyernes na sumakay ng pampublikong transportasyon papasok ng trabaho.
Mula sa kanilang tahanan sa Marikina noong 5:15 a.m, inabot si Panelo ng halos apat na oras bago nakarating ng Malacañan bandang 8:46 a.m.
Sa kabila nito naninindigan siyang wala pa ring "mass transit crisis" na nagaganap, kasunod ng matinding trapik sa bansa at pinsalang idinulot ng pagkasira ng LRT-2.
"In-explain ko eh. Sabi ko, 'Walang transport crisis' because when you say transport crisis, ang nasa isip ko may paralysis, 'yung wala ka nang masakyan," paliwanag ni Panelo ngayong umaga.
Pumalag din siya sa kanyang mga kritiko nang mabatikos sa payong gumising na lang nang maaga upang makarating nang maaga sa eskwela o trabaho.
Aniya, pinupuri pa nga raw niya ang pagiging malikhain ng mga Pinoy sa nasabing problema.
"Since hindi tayo makakarating sa pupuntahan natin nang maaga because of the traffic, oh 'di ang ginagawa natin nagigising tayo nang maaga," sabi ng tagapagsalita ng presidente.
Pulitika hadlang sa pagtugon sa trapik
Samantala, isinisi naman ni Palafox sa hindi pagsunod ng mga administrasyon sa mga plinano ng mga nauna sa kanila ang gusot na kinaroroonan ngayon ng bansa.
"Sa tingin ko sobra kasi sa pulitika, walang continuity... dahil minsan kapag pumapasok ang bagong gobyerno, iniitsapwera nila 'yung mga naunang planning initiatives," banggit niya.
Aniya, hindi raw nagiging pangmatagalan at nagiging oportunistiko ang mga plano sa kasalukuyang sistema ng halalan na inilulunsad kada tatlo at anim na taon.
Halos apat na dekada nang nasa larangan ng urban planning si Palafox, at sinabing 1992 pa rapat natapos ang mungkahing walong linya ng tren.
Taong 1971 pa rin daw inilapit ang pagsasagawa ng sistemang subway habang 1945 pa isinuwestyon ang Circumferential Road 6.
Nagsilbi rin siyang senior planner at team leader para sa Manila Development Planning Project noong 1976, na pinondohan ng World Bank.
Sang-ayon naman si Panelo na matagal na ito rapat naisakatuparan.
"Ang problema kasi, we are 20, 30 years behind sa infrastructure. Doon nag-umpisa 'yan eh," wika niya.
Sa ngayon daw kasi, kulang daw ng mga tulay, "walang mga skyway" at nananatiling maliliit ang mga kalsada.
"Kung sinunod nila si... Palafox noon, oh 'di tapos na 'yan."
- Latest