MANILA, Philippines — Minabuting magbitiw bilang hepe ng Philippine National Police si General Oscar Albayalde habang nababatikos sa kanyang diumano'y pagprotekta sa mga pulis na nagre-recycle ng droga, Lunes ng umaga.
"Matapos kong maingat na pag-isipan, napagdesisyunan kong bumaba bilang hepe ng PNP ngayong araw at magpatuloy na lang sa 'non-duty status,'" kanyang anunsyo sa Inggles habang nagfla-flag raising ceremony sa Camp Crame.
Ang mga pulis na non-duty status ay bahagi pa rin ng PNP ngunit hindi na aktibo sa serbisyo't naghihintay na lamang ng pagre-retiro.
Nabanggit ni Albayalde na tinanggap na ni Interior Secretary Eduardo Año ang kanyang desisyon at isinumite na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang letter of intent.
Nakatakda na rin siyang magretiro sa loob ng dalawang linggo, sa pagsapit ng kanyang ika-56 na kaarawan — ang mandatory retirement age — pagdating ng ika-8 ng Nobyembre.
"Ang huli kong utos bilang inyong hepe ng PNP ay ipagpatuloy ang serbisyo sa kapwa natin Pilipino upang makapamuhay at makapagtrabaho tayo nang mapayapa. Huwag niyong hayaang panghinaan kayo ng loob dahil sa hamon na ito o malihis kayo ng landas," ani Albayalde.
Una nang idiniin ni dating Criminal Investigation and Detection Group chief Benjamin Magalong, Philippine Drug Enforcement Agency Director General Aaron Aquino at iba pang mga retiradong heneral si Albayalde sa kanyang "pagkakanlong" sa mga ninja cops.
Sasaluhin ni Lt. Gen. Archie Gamboa, ang second-in-command ng PNP, ang mga responsibilidad ni Albayalde kasunod ng kanyang pagbibitiw.
Sinuguro naman ni Gamboa na tuloy pa rin ang mga operasyon ng pulisiya kasunod ng mga kaganapan. — James Relativo at may mga ulat nina Gaea Katreena Cabico at Romina Cabrera