MANILA, Philippines — Nagbabala si Buhay Rep. Lito Atienza na baka gamiting panakot ng ‘ninja cops’ para makapangikil ang pagbabalik ng parusang kamatayan sa mga krimeng may kaugnayan sa droga. Ipinaliwanag ni Atienza na ang mga gawaing criminal ng mga ‘ninja cops’ (pulis na nagre-recycle at nagbebenta ng nakukumpiskang mga droga) ay isang malakas na argumento laban sa pagbalik sa parusang kamatayan. “Bawat mamamayan ay potensiyal na mataniman ng ebidensiyang droga at makikilan ng mga iskalawag na pulis na ito na iligal na nag-iimbak ng mga nakukumpiskang droga at ang tila tanging motibasyon ay gamitin ang kanilang kapangyarihan para sila magkapera,” sabi pa ni Atienza. Sinabi ni Atienza na hindi malayong gamiting panakot ng ‘ninja cops’ ang death penalty para makapangotong sa nais nilang maging biktima sa sandaling pagtibayin ng Kongreso ang panunumbalik ng death penalty.