MANILA, Philippines — Sinampahan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ng kasong murder ang tinaguriang “drug queen” na si Guia Gomez Castro matapos iturong “utak” sa pagpatay sa isang “ninja cop” noong 2011.
Sinabi ni outgoing NCRPO Director MajGen. Guillermo Eleazar na isinampa na nila ang kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office laban kay Castro dahil sa pagiging mastermind umano sa pamamaslang kay PPatrolman Roderick Valencia dahil sa pagkabigo ng biktima na mag-remit ng koleksyon niya sa napagbentahan ng ini-recycle na iligal na droga.
Sa salaysay ng saksi na nahanap ng NCRPO, sinabi niya na inutusan siya ni Castro, dating barangay chairman sa Sampaloc, Maynila, na humanap ng bayarang hitman para patayin si Valencia dahil sa atraso nito at binayaran siya ng P50,000 para sa trabaho.
Nakakulong ngayon sa Manila City Jail dahil sa kaso sa iligal na droga ang naturang saksi habang sinasabing pinatay rin ang gunman ng mga tauhan ng drug queen ngunit hindi malinaw kung kailan at saan nangyari.
Ang naturang mga impormasyon ay mula umano sa nakalap ng NCR Quad Intel Force na binubuo ng NCRPO, National Bureau of Investigation, Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine Army.
Matatandaan na kinansela na ang US visa ni Castro na sinasabing nagtatago ngayon sa Estados Unidos habang tinututukan ng Bureau of Immigration ang kanyang deportasyon.
Bukod sa panibagong isinampang kaso, nahaharap rin si Castro sa tatlong warrant of arrest sa iba’t ibang korte dahil sa kaso sa iligal na droga, bouncing check at BP 22.