Traffic crisis meron, transpo wala – Palasyo

Umangkas si Presidential Spokesman Salvador Panelo sa isang motorcycle rider na nag-alok sa kanya ng sakay patungong Malacañang kahapon.
Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Inamin ng Malacañang na mayroong nagaganap na traffic crisis sa Metro Manila pero nanindigan na walang mass transport crisis sa kasalukuyan.

Ito ang binigyang-diin ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos kumasa ito sa commute challenge sa kanya ng mga aktibista.

““Mayroong traffic crisis pero hindi transportation crisis kasi when you say transportation crisis wala ka ng sinasakyan, paralyzed ang buong traffic,” aniya.

Dumepensa rin si Panelo sa pahayag niyang dapat gumising nang maaga ang mga commuter.

Giit niya, dapat lang daw maging “creative” (malikhain) ang mga Pinoy para hindi ma-late sa pupuntahan.

Kinikilala naman aniya ng gobyerno ang krisis sa trapiko sa Metro Manila at ginagawan naman daw ito ng paraan ng gobyerno sa pamamagitan ng Build, Build, Build projects.

Isa rin sa nakikitang solusyon ni Panelo upang mapaluwag ang trapiko sa Metro Manila ay ang pagbabawas ng mga lumang sasakyan sa kalsada, pagtatayo ng mas maraming skyways.

Sa paglalarawan naman ni Panelo sa kasalukuyang sitwasyon ng trapiko ay wala daw pinag-iba ito sa nagdaang 20 taon.

Magugunita na inabot ng halos 4 na oras ang biyahe ni Panelo bago makarating sa Malacañang.

Bandang alas-5:15 ng umaga kahapon ng umalis siya sa kanilang bahay sa Marikina City at sumakay ng jeep hanggang Cubao saka sumakay muli ng jeep patungo sanang Gilmore LRT 2 station.

Subalit namataan niyang maraming mediamen kaya sumakay na lamang siya muli ng jeep.

Mula sa Nagtahan gate ng Malacañang bandang alas-8:45 ng umaga ay umangkas naman sa motorsiklo si Panelo papasok ng Malacañang complex hanggang sa Gate 2 kung saan naroroon ang New Executive Building (NEB) na kinaroroonan ng tanggapan ni Panelo.

Ayon kay Panelo, nag-aabang siya ng tricycle sa Nagtahan gate pero nag-alok ng libreng angkas ang napadaang rider upang ihatid ito sa Gate 2 hanggang makarating ito bandang alas-8:47 ng umaga.

Show comments