MANILA, Philippines — Inilabas na ng Judicial and Bar Council ang listahan ng mga maaaring pumalit sa associate justice post ni Antonio Carpio sa Kataas-taasang Hukuman.
Nakatakda na kasing magretiro mula sa Korte Suprema si Senior Associate Justice Carpio pagsapit ng ika-26 ng Oktubre.
Kabilang sa siyam na pinangalanan ay sina:
- Manuel Mejorada Barrios
- Edgardo Lao delos Santos
- Japar Baby Dimaampao
- Ramon del Rosario Garcia
- Jhosep Ylarde Lopez
- Supreme Court Administrator Jose Midas Marquez
- Pablito Alhambra Perez
- Ricardo de Rivera Rosario
- Maria Filomena Dumandan Singh
Si Pangulong Rodrigo Duterte ang pipili sa papalit kay Carpio, alinsunod sa Article VIII Section 9 ng Saligang Batas.
Lahat ng 15 miyembro ng Korte Suprema ay itinatalaga ng presidente, na kinabibilangan ng isang punong mahistrado at 14 associate justices.
Ang JBC ang may kapangyarihang magsumite ng mga nominasyon oras na mabakante sa ilang posisyon sa Korte Suprema.
Carpio 'pinakamahusay na CJ sana'
Sa napipintong paglisan ni Carpio sa pwesto, hindi napigilan ng kapwa niya associate justice na manghinayang sa dahilang hindi siya nailuklok bilang punong mahistrado sa kanyang paninilbihan.
"Siya na sana ang pinakamahusay nating chief justice kaso hindi nangyari, naniniwala ako diyan 1000%," ayon kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen sa panayam ng CNN Philippines sa Inggles.
Isinalarawan din ni Leonen ang magreretirong justice bilang "mahistrado ng mga mahistrado."
Maliban sa kanyang panunungkulan sa SC, kilala rin si Carpio bilang kritiko ng mga polisiya ni Duterte pagdating sa mga polisiya niya sa West Philippine Sea.
Lilisanin niya ang pwesto walong araw matapos ang nakatakdang pagreretiro ni Chief Justice Lucas Bersamin.
Ayon naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ipagpapaliban muna ang mga nominasyon para sa posisyon ng chief justice sa ika-15 ng Oktubre.
Apat sa nakaupong associate justices ang nauna nang nag-apply para sa pagka-chief justice at kinapanayam na ng JBC noong nakaraang linggo.
Ilan sa mga naglalayong maging susunod na punong mahistrado sina Associate Justices Jose Reyes Jr., Diosdado Peralta, Andres Reyes at Estela Perlas-Bernabe. — James Relativo