MANILA, Philippines — Inabot ng siyam-siyam sa kalsada ang tagapagsalita ng pangulo nang subukang bumiyahe mula sa kanilang tahanan papuntang Malacañan gamit ang pampublikong transportasyon, Biyernes ng umaga.
Matatandaang kumasa sa hamon ng mga militante si presidential spokesperson Salvador Panelo na mag-commute lang papuntang trabaho matapos sabihing "walang mass transit crisis" ang Kamaynilaan.
Umalis ng bahay mula Marikina si Panelo bandang 5:15 a.m. at dumating ng Palasyo bandang 8:46 a.m. — dahilan para pumatak ng kulang-kulang apat na oras ang kanyang biyahe.
Pagsapit ng 6:54 a.m., namataan si Panelo na nagtatangkang pumara ng sasakyan sa may Baranggay Concepcion Uno sa Marikina.
"Hirap sumakay no?" sabi ng Twitter user na si @melvyndefenThor, na nag-upload ng litrato.
Hirap sumakay no? #Panelo pic.twitter.com/U9S3nAJ3NG
— ??????? (@melvyndefenThor) October 10, 2019
Nakasakay naman daw siya sa tulong ng Philippine National Police.
Ang ilang mananakay, natyambahan pa ang kanyang pagsakay.
"Kasabay ko sa jeep ngayon si Panelo. In fairness to him, walang bodyguards. Commute kung commute. Sabi niya, around 5:15 [a.m.] siya nagsimulang bumyahe. Until now WALA PA SIYA SA MALACANANG!" paskil ni Erika Pelipel bandang 7:29 a.m.
kasabay ko sa jeep ngayon si Panelo. in fairness to him, walang bodyguards. commute kung commute. sabi nya, around 5:15 sya nagsimulang bumyahe. until now WALA PA SYA SA MALACANANG! pic.twitter.com/SbmRw4pcjI
— Erika Pelipel (@erikapels) October 10, 2019
LOOK: More photos of Sec. Panelo’s commute today. #commutechallengeaccepted pic.twitter.com/3Id5CtLkeS
— christina mendez (@xtinamen) October 10, 2019
Sinasabing naka-apat na sakay ng jeep si Panelo, hanggang sa naki-angkas na lang sa nagmomotorsiklong sibilyan papasok ng Palasyo.
WATCH: Spox Panelo rides a motorcycle from J. P. Laurel gate to Gate 2, Malacañang complex. (MPC pool) #commutechallengeaccepted pic.twitter.com/8UUwYdfyET
— christina mendez (@xtinamen) October 11, 2019
Sinisi naman niya ang media kung bakit napahaba nang husto ang kanyang paglalakbay: "Ang nag-cause ng traffic 'yung mga media, hindi ako. Kasi dalawang oras akong nananahimik eh, bigla kayong dumating."
Hindi nag-LRT-2
Kapansin-pansin ding hindi sumakay ng LRT-2 si Panelo kahit na una na niyang sinabi na magtre-tren siya papasok ng trabaho.
"Ang pakay ko talaga ay para sumakay ng LRT pero biglang dumating ang mga media. Ayokong ma-cover pero nandun sila lahat so pinili ko na lang na hindi mag-LRT," paliwanag ni Panelo sa Inggles.
"Siguro bukas, kapag wala sila."
Nakatakda sanang sabayan ni Bagong Alyansang Makabayan Secretary General Renato Reyes Jr. ang spokesperson sa LRT-2 para makapag-mungkahi ng pangmatagalang solusyon sa mass transit system.
"Ang punto [ng hamon] ay para talagang maintindihan ng top officials ang pinagdadaanan ng commuters para makagawa ng long-term solutions at short term relief measures," ani Reyes.
Una nang sinabi ng Light Rail Transit Authority na hindi magagamit ng siyam na buwan ang Santolan, Katipunan at Anonas station ng LRT-2 matapos ang nangyaring sunog noong ika-3 ng Oktubre.
Biyahe ni Panelo 'patunay na may krisis'
Samantala, sinabi naman ni Reyes na lalo lang daw napatunayan ng biyahe ni Panelo na mali ang kanyang pagtingin sa isyu ng pampublikong transportasyon.
"Napatunayan natin na, ang biyahe pala, ang buong commute niyo took more than three hours. Kung government time po ang sinusunod natin, dumating kayo ng 8:30 [a.m.], late na po kayo," pagbibiro niya sa panayam ng DZMM.
"And it just highlights our initial observation na meron talagang mass transport crisis."
Pero nagmatigas pa rin si Panelo at pinanindigan na walang krisis.
"Kapag sinabi mong mass transit crisis, ang tinutukoy mo ay pagka-paralisa ng buong mass transit system. Pero ang tiyak, may traffic crisis," wika niya.
Binira naman ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang paghahalintulad ng krisis sa paralysis.
"Wag sana nyang ipilit yung depenisyon nya dahil hindi naman yun ang ibig sabihin ng mga pasahero. Para lalo pang malinaw 'a crisis is a time of intense difficulty, trouble, or danger,' wala namang paralysis dyan sa meaning," ani Zarate sa isang pahayag.
Muli naman niyang pinayuhan ang lahat ng mananakay na agahan na lang ang pagco-commute, lalo na ang mga gaya niyang taga-Marikina.