MANILA, Philippines – Mas makakaranas pa ng pinakamalalang traffic ang Metro Manila pagpasok ng buwan ng Nobyembre, babala ni Caloocan City Rep. Edgar Erice sa Metro Manila Development Authority (MMDA) at sa Department of Transportation (DOTr).
Sinabi ni Erice, na kung matindi na ang nararanasang traffic ng mga commuters at mga motorista ngayon ay asahan pa ang worst traffic situation pagsapit pa lamang ng unang linggo ng Nobyembre.
Ito ay dahil na rin sa nalalapit na South East Asian games na gaganapin sa bansa sa Nobyembre 30 at ang Christmas rush sa papalapit na Disyembre.
Sa taya umano ng MMDA, madadagdagan ng 20% pa ang volume ng mga sasakyan sa EDSA at tiyak na magmimistulang parking space ang mga pangunahing lansangan.
Bunsod nito kaya muling iginiit ng kongresista na dapat ipagbawal tuwing rush hours ang mga private vehicles sa EDSA.
Paliwanag ni Erice, ito lamang din ang mabilis at epektibong paraan para matulungan ang mayorya ng mga commuters ngayong Christmas season.
Magugunita na pinutakti ng negatibong komento mula sa mga private car owners si Erice dahil sa kanyang panukala.