MANILA, Philippines — Nanggalaiti ang isang katutubong mambabatas ngayong Miyerkules matapos ipag-utos ng gobyerno ang pagsasara ng mga eskwelahang primaryang naglilingkod sa kabataang Lumad sa rehiyon ng Davao.
Ang closure sa mahigit 50 paaralang pinatatakbo ng Salugpongan Tatanu Igkanugon Community Learning Center Inc. ay inanunsyo kahapon ng Department of Education—Davao regional office buhat daw ng mga "iregularidad" sa operasyon nito.
Pero ayon kay Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat, na isa ring Lumad, matinding paglabag ito sa karapatan sa edukasyon ng mga batang pambansang minorya.
"Masama ang turing nila sa amin dahil gusto nilang pumasok ang mga proyekto ng malalaking mina, dam, logging, plantasyon at marami pang mga proyekto na pagkakaperahan nila at sisira sa aming mga lupang ninuno," ani Cullamat, na lider Manobo.
"Mariin naming kinikundena itong mapang- aping sistema ng DepEd sa sulsol ng militar."
Aniya, inhustisya ang kinakaharap ngayon ng 3,5000 estudyante at 30 guro mula sa komunidad na maaapektuhan.
Una nang sinabi ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tutol siya sa muling pagbubukas ng hindi bababa sa 11 STICLC schools sa kanyang lungsod.
Ayon kay Carpio, na anak ni Pangulong Rodrigo Duterte, walang "academic records" at "individual learner's reference number" ang mga nabanggit na eskwelahan.
Nakatatanggap din daw sila ng mga ulat na tinuturuan ng kontra-gobyernong propaganda at paggamit ng baril ang mga bata.
Isa si National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. sa mga naghain ng reklamo laban sa mga nasabing eskwelahan.
Pero paliwanag ni Cullamat, lehitimo ang kanilang pakikibaka sa kanilang sektor.
"Nais naming paunlarin ang aming tradisyonal na kultura na nakaugat sa lupa, kaya mahigpit na alagaan at depensahan ang lupang ninuno," wika ng progresibong mambabatas.
"Ngunit ang gobyerno at AFP mismo ang may gustong buwagin ang aming pagkakaisa."
Hulyo nang maglabas ng suspension order ang DepEd sa mga nabanggit na eskwelahan matapos daw hindi kumuha ng kinakailangang permit to operate.
"Noong nakaraang taon, hindi nabigyan ng permit ang 55 eskwelahan dahil hindi sila makasunod sa mga rekisitos," sabi ni DepEd Secretary Leonor Briones sa Inggles sa panayam ng ANC.
Sa 55 eskwelahan, 11 lang daw sa mga ito ang nag-apply para sa panibagong permit ngayong 2019.
Pero paliwanag ng Save Our School Network, nagsumite ang mga eskwelahan ng mga rekisitos sa DepEd region XI.
Walang due process?
Samantala, nanindigan naman ang SOS Network na hindi dumaan sa due process ang pagsasara sa mga eskwelahan.
Tinawag din nilang "walang basehan," "may pinapanigan" at "may masamang motibo" ang departamento.
"'Yung fact-finding team [ng DepEd XI], ni hindi pumunta sa kahit isa sa mga... Salugpongan schools para silipin ang mga akusasyon," ani Rius Valle, tagapagsalita ng SOS Network sa Mindanao.
Aniya, bumisita lang daw ito sa Nasilaban, Talaingod ngunit hindi dumiretso sa mga eskwelahan: "Basically, walang imbestigasyong nangyari," dagdag niya.
Hindi rin daw nakatutulong na kinokopya ni Briones ang paratang na nagtuturo ng komunistang pananaw ang eskwelahan.
"Ang hirap isipin kung paanong nakatutulog nang mahimbing ang mga opisyal ng kawanian ng edukasyon gayong napagkakaitan na ng edukasyon ang mga batang Manobo," paliwanag pa ni Valle.
Kinundena rin nila ang diumano'y pagsisikap ng militar sa paggamit ng mga ahensyang sibilyan kalakip ng kampanya kontra-insurhensya.