LRT-2 Cubao-Recto 'susubukang' magbalik-operasyon sa Martes
MANILA, Philippines — Target ngayon ng gobyerno na magbalik ang operasyon ng mga istasyon ng Light Rail Transit System Line 2 bukas, kasunod ng mga pagkasirang idinulot ng sunog malapit sa kailang Katipunan station noong nakaraang linggo.
Sa panayam ng ANC, sinabi ni Light Rail Transit Authority spokesperson Hernando Cabrera na hindi pa kasi maaaring magamit ang mga istasyon mula Cubao sa Quezon City hanggang sa Recto, Maynila.
"Ang susunod naming target ay bukas, Martes, bandang alas-singko ng umaga," ani Cabrera sa Inggles.
Una nang ipinangako ng LRTA na makapagsisimula ng partial commercial operations ngunit kinakailangan pa raw nila ang ilang test runs at safety checks ng kanilang telecommunicatioon systems.
READ: LRT2 will not be able to start partial commercial operation from Cubao to Recto tomorrow, October 7, 2019. pic.twitter.com/CeDQUxNiOK
— LRT2 (@OfficialLRTA) October 6, 2019
Ayon kay LRTA administrator Reynaldo Berroya, hindi raw nila maaaaring ikompromiso ang kaligtasan ng lahat.
Pagbabahagi pa ni Cabrera, hindi pumasa sa kanilang mga pamantayan ang nalalabing mga istasyon.
"[U]nfortunately, lahat ng simulation runs na isinagawa namin mula Sabado ay bigong makapagbigay ng maayos na resulta pagdating sa convenience at kaligtasan ng ating mga mananakay," sabi niya.
Dahil sa sunog, naaapektuhan din daw ang telecommunication systems nila at napwersa na lang na gumamit ng pansamantalang sistema.
"Sa kabila nito, meron pa rin tayong dead spots na pumipigil sa ating magkaroon ng malinaw, episiyente at epektibong komunikasyon sa pagitan ng mga nagmamaneho ng tren at conrol center," paliwanag pa niya.
Sa ngayon, siyam na buwang hindi magagamit ang bahagi ng linya mula sa Santolan hanggang Anonas.
Huwebes nang mapatid ang rectifier substation 5 sa Katipunan na nagsanhi sa pagliyab ng carriageway sa pagitan ng Anonas at Katipunan.
Bus, 'makabagong PUV' para sa mga pasahero
Dahil sa perwisyong idinulot sa mga pasahero, nagtalaga na ng mga karagdagang sasakyan na sasalo sa bulto ng mga pasaherong hindi makasakay ng LRT-2.
Ang ilan dito ay mga modernong public utility vehicles at mga bus.
"Ten point-to-point modernized PUVs ang masasakyan mula Santolan hanggang Legarda pabalik," sabi ng LRT-2 sa kanilang Twitter account.
Ang mga nasabing biyahe ay magkakahalaga ng P25. Tatakbo raw ang mga ito hanggang makabalik ang operasyon ng LRT-2.
TINGNAN: Tuluy-tuloy ang pagdi-dispatch ng mga bus para sa mga apektadong pasahero ng LRT-2 ngayong araw, ika-7 ng Oktubre 2019.
— DOTrPH ???????? (@DOTrPH) October 7, 2019
[Photo Courtesy: LTFRB and LRTA]#DOTrPH ????????
READ FULL POST HERE:https://t.co/Cf2q7dMeqY pic.twitter.com/OWmmYaITHe
Samantala, tuloy pa rin ang pagbibigay ng libreng sakay sa bus ng Metro Manila Development Authority at Philippine Coast Guard mula Santolan hanggang Cubao.
Balikan ang mga biyahe nito at tatakbo mula alas-siete ng umaga hanggang alas-siete ng gabi.
Nagbigay din ng mga espesyal na permits ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board para payagan ang ilang bus na bumyahe nang "point to point" mula Santolan hanggang Cubao.
Ang mga bus ay manggagaling mula sa Airfeight Express Bus, Armi Josh Bus, Corimba Bus, Quiapo Bus & Earth Star Express Inc at RRCG Transport.
Kaninang umaga, naiulat na rin ang matinding agawan ng mga pasahero para lamang makasakay sa mga nasabing bus.
Pagkukumpuni hindi pa nasimulan
Sa kabila ng lahat ng ito, hindi pa rin daw nagsisimula ang pag-aayos ng mga napinsalang rectifier substations matapos ang sunog.
Ang kahirapan pa raw sa ngayon, ani Cabrera, ay sa ibang bansa pa kukunin ang pamalit.
"'Yung mga spare parts na kailangan, kukunin pa natin sa ibayong dagat. Manggagaling pa sa United Kingdom, France at Japan," ani Cabrera.
Matatagalan pa raw ito dahil dadaan pa raw ito sa pagmamanupaktura, pagco-costumize at commissioning.
"'Yung parts na kailangan natin, kahit dumating na sila at mailagay natin, dadaan pa 'yan sa commissioning process. Hindi 'yan basta plug-and-play," sabi pa niya.
Dapat daw muna ma ma-"fine tune" ang mga ito at mapatakbo ng ilang araw para masigurong makasusunod sa kinakailangang specifications.
- Latest