MANILA, Philippines — Tuluyan nang nagretiro sa serbisyo ang pinakamatandang fighting ship ng Philippine Navy na BRP Cebu o PS28.
Sa isinagawang decommissioning ceremony ng Philippine Navy sa pantalan ng Captain Salvo sa Naval base sa Cavite, pormal nang nagretiro ang BRP Cebu matapos ang 71-taong pagpapatrulya sa karagatan ng bansa at pagseserbisyo sa tropa ng Philippine Navy.
Ang BRP Cebu ang pinakamatandang barkong pandigma na bago pa inilipat sa Philippine Navy taong 1948 na nagpatrulya sa karagatan sa bansa ng 71 taon, ay unang nagserbisyo ito bilang war ship ng United States Navy noong World War II.
Kabilang sa mga naging malaking accomplishment ng BRP Cebu ay ang search and rescue (SAR) operations para sa mga sakay ng lumubog na MV Princess of the Stars ng Sulpicio Lines, sa karagatang sakop ng San Fernando, Romblon sa kasagsagan ng bagyong Frank noong Hunyo 22, 2008.
Inaasahan naman na sa pagreretiro ng barko ay magbibigay-daan ito sa pagpasok ng bagong assets ng Philippine Navy bilang bahagi ng patuloy na modernization program ng gobyerno.