Mga 'asungot' sa Russian state visit ni Duterte binira, sayang daw sa pera
MANILA, Philippines — Tumaas ang kilay ng ilang militanteng mangingisda sa animo'y "napakalaking entourage" na isinama ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang limang araw na state-visit sa Russia.
Maliban sa 15 miyembro ng Gabinete, nasa Russia rin ngayon sina Mocha Uson, abogadong si Larry Gadon, Moymoy ng Moymoy Palaboy at mga aktor gaya nina Philip Salvador at Cesar Montano.
Inihalintulad ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas ang nangyari sa isang "junket," o paggastos ng gobyerno para sa kanilang biyahe.
"Bakit pinayagan ni Presidente Duterte ang junket ng mga irrelevant at hindi kinakailangang indibdwal? Anong responsibilidad nila sa mga state function at official meetings kung nandoon na ang key Cabinet members?" sabi ni Pamalakaya chairperson Ferdnando Hicap sa Inggles ngayong Biyernes.
Makikita ang mga nasabing personalidad sa paskil na ito ng isang overseas Filipino worker sa Russia.
Nasa Russia rin sina Atty. Larry Gadon, Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, Philip Salvador, Moymoy, at Cesar Montano habang official visit ni Pres. Rodrigo Duterte roon.
— News5 AKSYON (@News5AKSYON) October 3, 2019
????: Mitch Dela Cruz Tagbe pic.twitter.com/PeOFTQQ6lz
Nangyayari ito kahit na nilagdaan ni Duterte ang Executive Order 77 noong Marso, bagay na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na magtungo sa anumang uri ng travel junkets abroad.
Ayon sa EO, papayagan lamang na official local at foreign travel kung tatalima ito sa mga sumusunod na panuntunan:
- yaong mga importante lang sa mahusay na pagtupad ng mga opisyal na tungkulin
- kailangan para maabot ang mga pangangailanan ng departamento, ahensya, bureau o tanggapan, o kung makikinabang nang husto ang Estado
- kritikal para sa kalalabasan ng pulong o aktibidad ang presensya ng isang opisyal o empleyado ng gobyerno
- hindi sobra-sobra at minimum lang ang kakailanganing gastusin
"Nasayang ang buwis ng taumbayan sa mga 'free-riders' ng Russian trip na ito, katiwalian ito," panapos ni Hicap.
Depensa ng Palasyo
Samantala, sinagot naman ni presidential spokesperson Salvador Panelo ang mga kwestyon pagdating sa mga nasabing tao.
"Pagdating sa mga showbiz people na naroon, sa pagkakaalam ko, kapag ine-entertain nila ang Filipino community habang hinihintay ang presiente, hindi sila binabayaran," sabi ng tagapagsalita ng presidente sa ulat ng GMA.
Aniya, ginagawa na raw nila 'yon noong nangangampanya pa lang sa eleksyon si Duterte.
"Sadyang masugid lang silang tagahanga ni Presidente Duterte," dagdag niya.
Si Uson, na sumama rin kay Duterte, ang bagong itinalagang deputy administrator ng Overseas Workers Welfare Administration.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Gadon na siya mismo ang gumastos matapos tumulak papuntang Russia.
"Ako ang gumastos sa biyahe ko," paliwanag niya sa media.
"Sinamahan ko ang dalawang kliyente na nakikisosyo sa Russian companies at nagtatatag ng karagdagang trade relations sa Russian business associates," ani Gadon.
Abogado naman daw siya ng mahigit 30 taon kung kaya'y abot kaya para sa kanyang bumiyahe.
"'Yung mga litrato ko kasama ang ilang government officials, normal lang 'yon sa mga taong magkakakilala. Hindi dapat bigyan ng pakahulugan," dagdag niya.
Ilan sa mga kasama sa delegasyon ng Gabinete ay sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Finance Secretary Carlos Dominguez III, Agriculture Secretary William Dar, Labor Secretary Silvestre Bello III, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Trade Secretary Ramon Lopez, Environment Secretary Roy Cimatu, Interior Secretary Eduardo Año, Science Secretary Fortunato dela Peña at Energy Secretary Alfonso Cusi.
Sumama rin doon sina Presidential Communications Secretary Martin Andanar, presidential spokesperson Panelo, National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. at Secretary to the Cabinet Karlo Nograles.
- Latest