MANILA, Philippines – Muling pinatibay ng Department of Education at Colgate Philippines ang pagtutulungan para sa kampanya upang mapabuti ang “oral health” ng milyon-milyong mag-aaral sa buong Pilipinas.
Ipinagmalaki ni Colgate-Palmolive Philippines President and General Manager Arvind Sachdev na 90 taon na silang nagsasagawa ng mga programa para sa ikagaganda ng “oral health” ng mga bata at pamilyang Pinoy lalo na iyong mga hindi kayang bumili ng mga dental products.
Inilunsad nitong Martes ng Colgate kasama ang mga opisyal ng DepEd, Department of Health at mga partner na asosasyon ng mga dentista ang “Ngiting Pinatibay” campaign.
Ipinakilala rin ng Colgate ang bago nilang produkto na Colgate Maximum Cavity Protection with Amino Power. Isang bagong teknolohiya na gumagamit ng Arginine na epektibo umano sa paglaban sa mga bacteria sa bibig at asido na nabubuo mula sa mga asukal sa plaque.
Base sa National Oral Health Survey kasama ang Department of Health noong 2006, 97.1 porsyento ng mga anim na taong gulang na bata ang nakararanas ng bulok na ngipin.
Sa isang pag-aaral noong 2015, isa sa bawat pitong batang mag-aaral ang lumiliban sa klase dahil sa sakit ng ngipin at may isa sa bawat 10 mag-aaral ang hindi na tumutuloy sa pag-aaral dahil sa pagkahiya sa kanilang sira-sirang ngipin.
Bilang tugon, sinabi ni Emily Fong Mitchell, Marketing Director ng Colgate na mula 1997, nasa 23.8 milyong mag-aaral na ang kanilang nahatiran ng tulong sa 33,000 mga paaralan at 10,000 Day Care Centers sa buong bansa mula Aparri hanggang Jolo.