MANILA, Philippines — Dinepensahan ni presidential spokesperson Salvador Panelo ang diumano'y "gusgusing" dating ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagharap sa ilang pinuno ng bansang Russia.
Kaugnay pa rin ito ng mga inaning komento ni Duterte sa paraan niya ng pagsuot ng kurbata nang makipagkita kay Russian Prime Minister Dmitry Medvedev.
"Hindi mukhang gusgusin si PRRD ah. Ang tinutukoy ng mga pakielamerong 'yan ay kung paano niya sinuot ang kurbata niya. Niluwagan niya," ani Panelo sa Inggles.
Aniya, nasasakal daw kasi si Digong at hindi kumportable sa tuwing masikip ang kanyang kwelyo.
Inilahad kasi ng isang Czech journalist ang pagpuna ng mga Ruso sa kontrobersyal na presidente. Ang ilan, nagbiro pa na "nanggaling sa inuman" ang Filipino head of state.
"Hindi ba alam ng mga Pilipino ang mga protocol [tuwing state visit]?" tanong ng isa.
Rodrigo #Duterte showed up a bit unkempt for the meeting with the Russian PM Medvedev in Moscow and the Russian internet is having a blast: "Did he drink all night?", "Did he just leave the pub?", "Do Filipinos know what a (state visit) protocol is?" people ask. #DuterteInRussia pic.twitter.com/U823KExjDW
— Pavel Vondra (@pavelvond) October 2, 2019
Paliwanag ni Panelo, wala sa layunin ni Digong na "bastusin" si Medvedev. Sadyang nagsusuot daw si Duterte para maging kumportable at hindi iniisip ang sasabihin ng iba.
"Malinis sa katawan ang presidente. Naglalabas ng refreshing scent ang katawan niya at kita 'yan ng mga lumalapit sa kanya," sabi ni Panelo sa Inggles.
"['Y]un ang sinasabi sa akin ng mga babae kapag may bumebeso kay PRRD, ang bango daw."
Kasalukuyang nasa five-day state visit si Duterte sa Russia sa kanyang ikalawang pagbisita sa bansa.
Maliban kay Medvedev, nakatakda ring magkaroon ng bilateral talks sa pagitan nina Duterte at Russian President Vladimir Putin upang palawigin ang diplomatic ties ng Maynila at Moscow. — may mga ulat mula kay Christina Mendez