MANILA, Philippines — Pinabulaanan ni Chief Justice Lucas Bersamin ang mga bali-balitang bumoto na ang Korte Suprema kaugnay ng inihaing poll protest ni dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa pagka-bise presidente.
Kaugnay pa rin ito ng pagkwestyon ni Marcos sa pagkapanalo ni Vice President Leni Robredo noong 2016.
"Wala pang nangyayaring tiyak na botohan pagdating sa kasong 'yan [ni Marcos]," sabi ni Bersamin sa Inggles kasabay ng National Summit on the Dangerous Drugs Law.
Pinagkokomento kasi siya sa opinion article ng The STAR na nagsasabing bumoto 8-6 pabor kay Marcos ang Presidential Electoral Tribunal.
"Ayon sa nakalap naming impormasyon, '8-6 siya pabor kay Marcos' — 'yan ay, dahil inisantabi ng PET ang Rule 65 nito para sa initial determination test sa tatlong pilot provinces at hinayaang magpatuloy ang recount sa nalalabing 22 probinsya at limang highly urbanized cities na prinotesta niya."
Nanggaling daw ang sabi-sabi mula sa mga hindi pinangalanang tao mula sa Supreme Court.
Tinutukoy ng Rule 65 ang sumusunod na panuntunan:
"If upon examination of such ballots and proof, and after making reasonable allowances, the Tribunal is convinced that, taking all circumstances into account, the protestant or counter-protestant will most probably fail to make out his case, the protest may forthwith be dismissed, without further consideration of the other provinces mentioned in the protest."
Ipinaliwanag ng punong mahistrado na pagkatapos isumite ng member-in-charge ng partikular na kaso ang isang ulat, pag-aaralan pa ito ng iba pang mga mahistrado at natatagalan daw ito.
"Pwedeng may delibrasyon na, alam niyong meron nang ilang bahagi ng kaso at ugung-ugong na meron nang ulat, totoo man o hindi, ay hindi nangangahulugan na tatapusin namin ang deliberasyon," paliwanag pa ni Bersamin.
Una nang sinabi ng Kataang-Taasang Hukuman na nagsumite na si Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa ng ulat sa petisyon.
Si Caguioa ang member-in-charge sa petisyon.
Ayon naman kay Bersamin, nakakalahati pa lang niya ang report ni Caguioa.
Sa ika-8 ng Oktubre pa sunod na nakatakdang mag-full court session ang SC.
Protesta ni Marcos
Saklaw ng petisyon ni Marcos ang muling pagbibilang ng balota mula sa Camarines Sur, Nergos Oriental at Iloilo.
Aalamin ng resulta ng recount kung idi-dismiss ang protesta ni Marcos o hindi.
Kung magiging malaki ang diperensya ng official tally sa mga numero sa revision, palalawigin ng PET and saklaw ng recount sa 27 iba pang probinsya, na aabot sa 30,000 presinto. — James Relativo at may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag