US visa ng ‘drug queen’ kinansela na

Ayon kay DOJ Undersecretary Markk Perete, kumikilos na ang Bureau of Immigration at nakikipag-ugnayan sa US immigration upang maisaayos ang deportasyon ni Gomez.
File

MANILA, Philippines – Posibleng mapabalik na sa Pilipinas ang tinaguriang ‘drug queen’ na si Guia Comez-Castro na itinuturing na pugante dahil sa paglabas ng bansa sa kabila ng kinakaharap na mga kasong criminal.

Ito’y matapos kumpirmahin ng Department of Justice kahapon na ‘granted’ na ng US go­vernment ang hiniling nilang kanselasyon sa US visa ni Gomez.

Ayon kay DOJ Undersecretary Markk Perete, kumikilos na ang Bureau of Immigration at nakikipag-ugnayan sa US immigration upang maisaayos ang deportasyon ni Gomez.

Noong nakalipas na Biyernes lang nang magpalabas ng immigration lookout bulletin si Justice Secretary Menardo Guevara laban sa “drug queen”.

Nabatid na si Castro ay may nakabinbing mga kasong estafa at pag­labag sa Republic Act 6425 (na ngayon ay RA 9165) o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nabatid na si Castro ay naglabas-masok ng bansa at nagtungo umano sa Thailand, Canada at Amerika.

Show comments