Walang meningo outbreak - DOH

MANILA, Philippines – Tiniyak kahapon ng Department of Health na walang outbreak ng meningococcemia sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Ayon kay DOH-Regional Director Eduaro Janairo, isolated cases lang ang pagkamatay ng isang hindi pinangalanang pasyente sa Tanauan, Batangas kamakailan habang hindi pa kumpirmado kung nagtatag­lay ang tatlo pang binawian din ng buhay dahil sa nasabing karamdaman.

Base sa rekord, noong Setyembre nakitaan ng mga sintomas ang babaeng nasawi na umuwi lamang sa Pilipinas noong nakalipas na Mayo mula sa Dubai, United Arab Emirates (UAE).

Ani Janairo, maaring sa Dubai pa lamang ay dinapuan na ng meningococcemia ang babae at naging carrier na siya.

Kahit carrier na umano ng nasabing sakit ang babae ay hindi agad nakitaan ng sintomas dahil malakas pa ang pangangatawan nito at noong humina marahil ang resistensiya niya ay saka siya nakitaan ng mga sintomas na siya nitong ikinamatay.

Nabatid na ang meningococcemia ay malubhang sakit dulot ng bakterya at ang malalang kaso nito ay nagdudulot ng impeksiyon sa utak, gulugod at dugo, na nakamamatay.

Maaari lamang maihawa ang sakit sa pamamagitan ng pag-ubo at paghalik at nakukuha rin ito sa bacteria na katulad ng sa meningitis.

 

Show comments