13 pulis sa drug recycling pinangalanan

Sinampahan ng kaso ang 13 opisyal ng PNP pero hindi umusad ang kaso hanggang sa magretiro si Magalong noong 2016.
KJ Rosales

MANILA, Philippines – Pinangalanan ni da­ting PNP-Criminal Investigation and Detention Group chief Benjamin Magalong ang 13 pulis na sangkot sa recycling ng iligal na droga sa Pampanga noong 2013.

Sa Senate hearing, tinukoy ni Magalong sina Supt. Rodney Raymundo Baloyo IV; Senior Inspector Joven de Guzman Jr.; SPO1 Jules Maniago; SPO1 Donald Roque; SPO1 Ronald Santos; SPO1 Rommel Vital; SPO1 Alcindor Tinio; SPO1 Eligio Valeroso; PO3 Dindo Dizon; PO3 Gilbert De Vera; PO3 Romeo Guerrero Jr.; PO3 Dante Dizon; at PO2 Anthony Lacsamana na pawang mga miyembro ng Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force ng Pampanga Provincial Police Office.

Ayon kay Magalong, inatasan siya ni dating PNP chief Alan Purisima noong 2013 na imbestigahan ang mga pulis sa Pampanga na namuno sa isang buy-bust ope­ration sa Woodbridge Subdivision, Lakeshore View, Pampanga noong Nob. 29, 2013 kung saan nakakuha sila ng nasa 38 kilong shabu.

Nakatanggap ng intelligence report si Purisima na sabay-sabay na nagkaroon ng sasakyan ang mga opisyal ng pu­lis­ya kaya pinaimbestigahan ang mga ito.

Pero lumalabas na nasa 200 kilo ng shabu ang nakumpiska at hindi 38.

Nakatakas sa nasabing operasyon ang drug lord na si Johnson Lee na humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay.

Pero nagsuspetsa umano ang mga opisyal ng barangay nang alukin sila ng pera ni Lee kaya  tinawagan nila ang pulis­ya sa Mexico, Pampanga upang isurender ito.

Ayon pa kay Maga­long, hindi si Lee ang iprinisinta ng PNP Pampanga sa media kundi isang Ding Wenkun.

Napag-alaman din niya na nagbayad ng P50 milyon si Lee para sa kanyang kalayaan.

Base anya sa mga testigo, halos apat na tao ang kailangang magbuhat ng oversize na maleta na naglalaman ng shabu.

“Yung witnesses sabi sa sobrang dami ng shabu na nakumpisa, halos apat na tao ang nagbubuhat sa oversized na maleta. Pati ‘yung shabu tumutulo pa. Nu’ng pumasok siya, kitang-kita nakakalat pa ang shabu sa hagdan. It shows there was no proper handling of evidence, according to our witnesses. May dala pang isang box ng pera na palabas na dinadala sa sasakyan at ito ay puno rin,” ani Magalong.

Matapos ang buy-bust operation ay bumaha ang drugs sa Pampanga at bumagsak ang presyo ng shabu sa P4,000 per gram o P4 million per kilogram, sabi ni Magalong.

Agad na tinanggal sa puwesto ni dating Region 3 police director Chief Supt. Raul Pet­rasanta si dating Senior Supt. Oscar Albayalde na ngayon ay hepe ng PNP.

Sinampahan ng kaso ang 13 opisyal ng PNP pero hindi umusad ang kaso hanggang sa magretiro si Magalong noong 2016.

Ipinag-utos din ni Pet­rasanta na tanggalin sa puwesto ang 13 dahil sa grave misconduct pero na-demote lamang ng isang ranggo ang 13.

 

Show comments