MANILA, Philippines – Upang mapasok ang pulisya at makapag-recruit ng mga alagad ng batas, pumasok bilang pulis ang kapatid na lalaki ng tinaguriang “drug queen” na si Guia Gomez Castro para ma-infiltrate umano ang Philippine National Police.
Sinabi ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director PMajGen Guillermo Eleazar na unang pumasok si Castro bilang asset ng founder ng “ninja cops” noong 2000. Tumanggi si Eleazar na pangalanan ang sinasabing founder na retirado na umano ngayon sa PNP na isang “senior police non-commissioned officer”.
Nagkaroon pa umano ng relasyon sina Castro at ang founder at itinuloy ang negosyo nang makita ang malaking kita rito.
Isinama rin ni Castro ang kanyang kapatid na lalaki na pumasok pa bilang pulis at doon nagawang makapag-recruit ng mga kasamahan.
Lumipad patungong Bangkok, Thailand si Castro nang malantad ang kanyang pangalan sa pagdinig ng Senado hinggil sa ‘ninja cops’ o mga pulis na nagre-recycle ng nakukumpiskang droga. Binibili umano ni Castro ang naturang mga droga sa mga ‘ninja cops’.
Gayunman, ayon kay Eleazer, napag-alaman nila na noong Setyembre 25 ay pumunta si Castro sa Taiwan at nang hapon ay bumiyahe patungong Los Angeles sa California, USA.
Gagamitin umano ng PNP ang extradition treaty sa Estados Unidos para madakip si Castro at mapabalik sa Pilipinas para kaharapin ang kanyang mga kaso.
Nahaharap si Castro sa warrant of arrest na inisyu noong 2002 sa kasong paglabag sa Republic Act 6425 (Illegal drugs) at warrant sa bouncing check law na inilabas noong 2003 at 2011 sa Quezon City Regional Trial Court.