MANILA, Philippines — Iginiit kahapon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkansela ng pasaporte ng pinangalanang umano’y drug queen na si Guia Gomez Castro na puwede nang ikonsidera na takas sa batas.
Kumpirmado nang nakalabas ng bansa ang dating chairman ng Barangay 484 Zone 48 ng Maynila noong September 21 sakay ng Cebu Pacific patungong Bangkok, Thailand.
Sinabi ni Drilon na, sa ilalim ng Republic Act 8239 o Philippine Passport Act, may kapangyarihan ang foreign affairs secretary na kanselahin ang isang pasaporte para sa “national security” o kung ang may hawak nito ay isang takas sa batas.
Idinagdag ni Drilon na lumalabas na wala nang intensiyong bumalik ng bansa si Castro upang harapin ang arrest warrant laban sa kanya na inilabas noong 2002 dahil sa paglabag sa Republic Act 6425 o Dangerous Drugs Act kaya maituturing na itong takas sa batas.
Umapela rin si Manila Mayor Isko Moreno sa DFA na kanselahin ang pasaporte ni Castro at kinuwestiyon ang ilang concerned agencies kung bakit napayagan siyang maglabas-masok ng bansa gayung may tatlong warrants of arrest na nakapangalan laban dito.
Dapat aniyang imbestigahan din ng Comelec kung paano nakapaghain ng certificate of candidacy ‘in absentia’ at nagwaging Punong Barangay si Castro sa kabila ng record nito sa korte.
Suportado naman ng Malacañang ang panawagan na kanselahin ang passport ng tinaguriang drug queen.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang pagtutol ang Palasyo sa panawagang kanselahin ng DFA ang pasaporte ni Castro.
Naunang pinabulaanan ni Castro ang akusasyon sa kanyang drug queen na bumibili ng mga recycled drugs mula sa ninja cops.